MANILA, Philippines - Bubuhayin uli ng POC ang planong kumbinsihin ang pamunuan ng Lungsod ng Maynila na ibenta ang Rizal Memorial Sports Complex.
Sa panayam kahapon kay POC president Jose Cojuangco Jr., sinabi niyang nagkausap na sila ng bagong Alkalde ng nasabing Siyudad na si dating Pangulong Joseph Estrada at bukas ito sa ideyang itinutulak ni Cojuangco.
“Minsan na kaming nag-usap sa bagay na ito at sinabi niya na isa siyang sportsman at ang mga bagay na puwedeng makatulong para pasiglahin ang sports ng bansa ay kanyang susuportahan,†wika ni Cojuangco.
Magkakampi sina Cojuangco at Estrada sa nagdaang National election sa ilalim ng United Nationalist Alliance.
Maging ang hatian sa pagbenta sa Complex ay bukas din si Estrada wika ni Cojuangco.
Matagal ng itinutulak ni Cojuangco na maibenta ang makasaysayang Complex pero hindi naisagawa dahil hindi pumapayag ang pamunuan ng Maynila.
Sa plano ni Cojuangco, ang perang makukuha sa pagbenta sa Complex na ipinatayo noong 1934 ay gagamitin para makapagpagawa ng makabagong complex.
Dalawang lugar ang tinitingnan ni Cojuangco para mapagtayuan ng bagong Complex at ito ay sa Clark Field sa Pampanga at sa Rizal Province.