SMBeermen asam ang krusyal na Game 3 vs Slammers

Laro Ngayon

(Nimibutr Stadium, Bangkok)

8 p.m. Sports Rev

Thailand Slammers vs San Miguel Beer

 

MANILA, Philippines - Agawan sa mahala­gang ikalawang panalo ang magaganap sa pagitan ng San Miguel Beer at Sports Rev Thailand Slammers sa Game Three ng ASEAN Basketball League (ABL) semifinals ngayong gabi sa Nimibutr Stadium sa Bangkok, Thailand.

Naghati ang Beermen at Slammers sa unang dalawang laro na ginawa sa Pilipinas at nakauna ang bi­sitang Slammers, 62-60, bago bumawi ang home team sa kumbinsidong 91-60 pagdurog.

Sa ganap na alas-8 ng gabi magsisimula ang laro at bagama’t dayo ang Beermen, kumbinsido naman si coach Leo Austria na handang harapin ng kanyang mga alipores ang hamong  ilapit ang sarili sa inaasintang puwesto sa Finals.

“We know the situation we are facing. They are playing in their own soil but we have the momentum,” wika ni Austria.

Ang malalim na rotation sa guards na binubuo nina Chris Banchero, Jeric Fortuna, Leo Avenido, Val  Acuna at Paolo Hubalde ang siya muling pagkukuhanan ng lakas ng Beermen.

Maliban kay Hubalde, ang apat na nabanggit ay umiskor ng mahigit na 10 puntos tungo sa dominanteng panalo sa Game Two.

Dapat ding magdomina sa ilalim ang mga malala­king tao na sina Asi Taulava at mga imports Brian at Justin Williams para mapigilan ang 7-footer na si Christien Charles.

 

Show comments