The winners are...

Hindi  lang si Manny Pacquiao ang tanyag na sportsman na nagwagi sa nakalipas na eleksyon.

Si Pacquiao ay muling naihalal bilang kongresista ng Sarangani samantalang ang kanyang magandang asawa na si Jinkee ay nanalo bilang vice governor sa probinsiya.

Pero bukod sa kanila, may mga ilan pang sports personalities na nanalo at nabigyan ng tsansang mag­lingkod sa bayan.

Siyempre, nariyan si PBA coach Yeng Guiao ng Rain or Shine na nanalo din bilang kongresista sa Pampanga. Hindi kataka-taka ang kanyang pagkapanalo,

Matagal nang nasa serbisyo si coach Yeng sa pro­binsiya nila bilang vice governor. Ngayon ay isa na siyang kongresista.

Sa Tagaytay naman ay naging kongresista din ang dating mayor na si Bambol Tolentino, ang hepe ng Philcycing at dati ding opisyal ng chess.

Sa Bacolod, naging mayor naman si Monico Puen­tevella na dating chairman ng Philippine Olympic Committee at ngayon ay presidente pa din ng Philippine Weightlifting Association.

Dati nang kongresista ng Bacolod si Puentevella kaya ang pagiging mayor ay hindi na iba sa kanya. Ang dating mayor ng Bacolod na si Bing Leonardia, ay isa nang congressman.

Matalik na kaibigan ni Pacquiao si Leonardia at sa mga laban ni Pacquiao sa Amerika ay palaging siyang umaakyat sa ring hawak ang championship belt ng tanyag na boksingero.

Si PBA coach Franz Pumaren naman ay na­halal na konsehal sa Quezon City at si Ali Atienza, dating kampeon sa taekwondo ay nanalo din bilang konsehal ng Maynila. Si Jason Webb, dati namang PBA player, ay isang konsehal din sa Parañaque.

Saludo ako sa inyong lahat.

May mga hindi din nagwagi pero ‘wag na natin sila pangalanan.

Better luck next time na lang.

 

Show comments