MANILA, Philippines - Kagaya ng dapat asahan, nakamit ni Filipino boxing superstar Manny Pacquiao ang kanyang ikalawang sunod na termino bilang Congressman ng Sarangani, habang ang kanyang asawang si Jinkee ang bagong vice governor ng nasabing probinsya.
Humakot ang 34-anyos na si Pacquiao ng 135,670 boto para sa kanyang panibagong three-year term bilang kinatawan ng Sarangani sa Kongreso.
Tumakbo si Pacquiao, kumandidato sa ilalim ng United Nationalist Alliance ni Vice President Jejomar Binay, nang walang kalaban.
Sa kanyang unang pagsalang sa pulitika noong 2007, tinalo si Pacquiao ni Darlene Antonino-Custodio para sa labanan sa Congressional seat sa unang distrito ng South Cotabato.
Nanalo naman si Pacquiao sa kanyang ikalawang pagsubok noong 2010 para sa Congressional post ng Sarangani laban kay Roy Chiongbian.
Kumolekta si Jinkee ng 125,889 boto para angkinin ang vice gubernatorial seat sa Sarangani kasunod ang kanyang mga kalabang sina Eleanor Saguiguit (25,977) ng Liberal Party at independent Jose Lorde Villamor (4,801).
Kasalukuyan namang nahuhuli ang kapatid ni Pacquiao na si Ruel sa labanan para sa kinatawan ng unang distrito ng South Cotabato.
Nakaipon si Ruel ng botong 99,768 kumpara sa 108, 213 ni Pedro Acharon, Jr. na dating kasa-kasama ni Pacquiao.