Diretsong 14 sa San Miguel Beer

Laro sa Sabado

( Ynares Sports Arena, Pasig City)

4 p.m. San Miguel Beer vs Sports Rev Thailand Slammers

MANILA, Philippines - Nilimitahan lamang ng San Miguel Beer sa siyam na puntos sa second period ang bisitang Sports Rev Thailand Slam­mers para katampukan ang 78-61 panalo sa ASEAN Basketball League (ABL) kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Lamang pa ng siyam na puntos ang Slammers,  28-19, nang hindi na naka­puntos sa huling 4:55 ng labanan para ibigay sa Beermen ang pagkakataon na wakasan ang yugto sa 12-0 bomba at hawakan ang 31-28 kalamangan.

Mula rito ay hindi na nakabangon pa ang Slammers at nakatulong ang pagbagsak ng siyam na puntos sa yugto ni Jeric For­tuna para bigyan ng 54-45 bago nanalasa sina Val Acuna, Asi Taulava at Brian Williams para tulu­yang lagukin ng Beermen ang ika-14 sunod na panalo at 17-3 karta sa kabuuan.

May 16 puntos at 20 rebounds si Williams habang si Taulava ay may 12 at 8 ang ibinigay ni Acuna.

Tumulong din si RJ Ri­zada sa kanyang 11 marka habang si Paolo Hubalde ay mayroong pitong assists upang isama sa kanyang pitong puntos.

May 28 puntos, 11 re­bounds at 7 blocks si Chris­tien Charles pero mag-isa lamang niyang binalikat ang Slammers nang wa­lang ibang kakampi ang umiskor sa doble-pigura para makatabla uli ang pa­­hingang Singapore Slingers sa mahalagang ikaapat na puwesto sa 7-13 baraha.

Ang dalawang koponan ay muling magtutuos sa Ynares sa Sabado.

Show comments