Labanang Ateneo-NU belles sa quarters hitik sa aksyon
Laro sa Huwebes
(The Arena, San Juan City)
2 p.m. Adamson vs San Sebastian
4 p.m. Arellano vs Ateneo
MANILA, Philippines - Isa sa mga larong kasasabikan sa quarterfinals ng Shakey’s V-League Season 10 First Conference ay ang pagkikita ng dalawang walang talong koponan na Ateneo at National University.
Dahil pinangunahan ang kanilang mga grupo sa malinis na 4-0 baraha, ang nagdedepensang Lady Eagles at Lady Bulldogs ay magkasama sa Group I bukod pa sa Arellano at La Salle Dasmariñas.
Magkasama naman sa Group II ang UST, Adamson, San Sebastian at Perpetual Help.
May 1-0 karta ang Ateneo at NU dahil tinalo nila ang Lady Chiefs at Lady Patriots sa elimination round kaya’t ang mananalo sa kanilang tagisan ang makakaabante na sa semifinals sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s.
Masisilayan naman ang Lady Eagles sa aksyon sa pagbubukas ng quarterfinals sa Huwebes sa pagharap sa Arellano habang ang Adamson at San Sebastian ang magtutuos sa unang laro sa ganap na alas-2 ng hapon.
Ang Lady Stags ay mangangailangan na maipakita ang tunay nilang laro dahil may 0-1 karta sila.
Bagama’t nasa San Sebastian ang mahuhusay na imports na sina Jeng Bualee at Suzanne Roces, isang panalo lamang ang naitala ng koponan sa eliminasyon upang malagay sa alanganin ang paghahabol sa titulo sa ligang may suporta pa ng Accel at Mikasa.
Samantala, si Bualee ang nangunguna sa scoring sa liga sa kanyang 105 hits na kinatampukan ng 95 spikes at limang service aces.
Si Dindin Santiago ng NU ay nalaglag sa ikalawang puwesto bitbit ang 95 puntos na pinagningning ng 72 kills habang si Mary Jean Balse na naglalaro sa Arellano, Alyssa Valdez ng Ateneo at Myla Pablo ng NU ang nasa sunod na tatlong puwesto sa 65, 63 at 63 hits.
- Latest