San Miguel Beer kuha ang homecourt advantage

Laro sa Biyernes

( Ynares Sports Arena, Pasig City)

5 p.m. San Miguel Beer vs Indonesia Warriors

 

MANILA, Philippines - Ibinulsa na ng San Mi­guel Beer ang isa sa da­lawang puwesto na magkakaroon ng homecourt advantage sa ASEAN Basketball League (ABL) Playoffs nang hiritan ng 71-69  panalo ang palabang Saigon Heat kagabi sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Ang split sa 15-foot line ni Brian Williams ang nagbigay ng dalawang puntos na kalamangan sa Beermen bago sumablay ang pinakawalang 3-pointer ni Chris Sumalinog para lumawig ang winning streak ng tropa ni coach Leo  Austria sa 12 sunod.

Ito rin ang ika-15 panalo sa 18 laro at sapat na ito para hawakan ang insen­tibo sa semifinals dahil ang  ang naghahabol na Westports Malaysia Dragons ay hanggang 14 wins lamang ang makakaya sakaling walisin pa ang nalalabing apat na laro.

May 19 puntos si Williams, kasama ang 5-of-7 shooting sa 15-foot line habang si Asi Taulava ay naghatid ng 18 puntos, 8 rebounds at 3 assists.

Pito ang ibinigay ni Taulava sa 9-5 palitan para lumayo ang Beermen sa 68-63 pero dalawang tres ang pinagsaluhan nina David Palmer at Filipino import Norman Gonzales para idikit sa 70-69 ang Heat sa huling 29 segundo.

Nilapatan ng foul ni Sumalinog si Williams at nakumpleto ang di magandang pagtatapos ng Saigon sa sablay na buslo ng dating Ateneo player.

 

Show comments