Viloria umaasa na kasing-ganda ng The Venetian ang ipapakita vs Estrada

MANILA, Philippines - Ikinagulat ni Brian Viloria ang laki ng The Venetian Macau, isang magarang hotel at casino resort at venue na kanyang title defense sa Linggo.

Dumating si Viloria sa Macau noong Lunes at ilang beses nang nagpapawis para sa kanyang pagharap kay Mexican Juan Francisco Estrada.

Sinabi ng 5-foot-4 Filipino na hindi niya akalaing malaki ang The Venetian, ang pinakamalaking casino sa buong mundo mula sa 3,400 slot machines at 800 gaming tables sa loob ng 51,000 sqm.

Mayroon itong 40-storey structure at 15,000-seat arena para sa entertainment at sports events.

“It takes over six hours to walk through the mall here. It’s that huge!” sabi ng 32-anyos na si Viloria, may hawak ng WBO at WBA flyweight crowns, sa kanyang Twitter account.

Umaasa si Viloria na maganda ang kanyang maipapakita sa Linggo kagaya ng ganda ng The Venetian.

“I’ve done my homework and I know how to pull off a win,”  ani Viloria sa www.philboxing.com.

Sa kanyang huling anim na panalo, tatlo dito ay sa pamamagitan ng knockout.

Ang mga pinabagsak ni Viloria ay sina Giovanni Segura, Omar Niño Romero at Hernan “Tyson” Marquez.

Tagan ni Viloria ang 32 wins, 3 losses at 1 draw tampok ang 19 KOs habang taglay ni Estrada ang 22-2-0 (18 KOs).

Ang 22-anyos namang si Estrada ay hindi maa­aring maliitin ni Viloria.

Nanggaling si Estrada sa isang 12-round loss kay Roman Gonzales para sa WBO light-flyweight title noong Nobyembre 17 sa Sports Arena sa California.

Sa naturang petsa din pinatumba ni Viloria si Marquez sa 10th round.

Sinabi ni Gary Gittelsohn, ang manager ni Viloria, na handa ang Filipino champion para sa laban kay Estrada.

Ito ay sa kabila ng sob­rang tatlong libra sa timbang ni Viloria.

 

Show comments