Tanpoco-Okamura duo sibak na

MANILA, Philippines - Hindi kinaya nina Maika Jae Tanpoco ng Pilipinas at Kyoka Okamura ng Japan ang lakas nina Katie Boulter at Isabelle Wallace ng Great Britain para mamaalam na sa girls doubles sa 6-3, 6-3, pagkatalo sa 24th Mitsubishi Lancer International Junior Tennis Championships kahapon sa Rizal Memorial Tennis Center.

Naipakita naman nina Wallace at Boulter na tunay ang kanilang pagpapasikat nang manalo pa sa ikalawang laro kahapon laban kina Rutuja Bhosale at Simran Kaur Sethi ng India, 6-0, 6-3, upang umabante sa semifinals.

Naunang nasibak sa hanay ng manlalaro ng Pilipinas sina Katrina Orteza at Maria Angela Sunga sa kamay nina Ipek Soylu ng Turkey at Nina Stojanovic ng Serbia, 6-3, 6-2.

Sina Solyo at Stojano­vic ay umabante sa Finals matapos kalusin sina Priscilla Hon at Ellen Perez ng Australia, 6-2, 6-3, sa quarterfinals at walkover win laban kina Britt Geukens at Greetje Minnen ng Belgium.

Samantala, ang third seed na si Cameron Norrie ng New Zealand at fourth seed Luke Bambrige ng Great Britain ang magtutuos sa boys’ singles title na gagawin ngayong alas-9 ng umaga.

Tinalo ni Norrie ang  top seed na si Borna Coric ng Croatia, 6-3, 6-4, habang walkover win ang naitala ni Bambridge sa number two seed na si Omar Jasika ng Australia.

 

Show comments