Scorpions winalis ang NCBL cagefest

MANILA, Philippines - Winalis ng Centro Es­colar University ang ka­nilang tatlong laro para banderahan ang NCBL Founders’ Cup eliminations noong Biyernes sa CEU gym.

Pinayukod ng Scor­pions ang host Technological Institute of the Phi­lippines Engineers, 78-71, para sa kanilang 3-0 record sa nasabing four-team tournament na suportado ng Spalding, Physio Asia Therapy Center at Athletes in Action.

Kumolekta si Alvin Abundo ng 17 puntos at 14 rebounds, habang kumana si Mark Parale ng 15 puntos para pangunahan ang CEU sa impresibong kampanya sa inaugural season ng liga.

Matapos maghabol ng double digits na bentahe ng Scorpions, nagawang makadikit ng Engineers sa 71-76 sa se­cond half, ngunit nagpa­katatag ang Scorpions mula sa mga puntos nina Lester dela Cruz at Abundo sa huling 13.4 segundo.

Samantala, umiskor si Nicol Bolos ng 22 puntos para gabayan ang Trinity University of Asia sa 74-67, panalo  laban sa Don Bosco Technological College, 74-67 sa isa pang laro.

Show comments