Ang PAL Interclub

Kaliwa’t kanan ang malaking sports events ang gina­ganap at magaganap dito sa napakagandang siyudad ng Cebu itong linggong ito.

Sa unang banda ay ang 66th PAL Interclub golf championship na matagal-tagal na rin nating nakobe­ran. Iba-ibang golf courses dito ang pinagdadausan ng kompetisyon.

Dinadayo ang PAL Interclub ng mga Pinoy na gol­fers mula pa sa ibang bansa gaya ng Guam, Canada at Amerika at ng mga miyembro ng napakaraming golf clubs sa buong Pilipinas.

Naging taunang reunion na rin ito ng mga mediamen na addict sa golf.  May sariling tournament para sa media at taun-taon ay sinisigurado ng Philippine Airlines na happy ang everybody.

Una ko yata nakoberan ang PAL Interclub noong 19­97 para sa ika-limampung anibersaryo ng nasabing golf tournament at nung kalian lang ay nasilip ko ang isang blowup group picture namin noon.

Nakakatuwang isipin ang mga lumipas na taon at bakas na bakas sa mga mukha namin ang kabataan at saya. Pero nakakalungkot din naman mapansin na ilan sa mga naroon noon ay mga pumanaw na.

Nasa souvenir picture na  iyon sina Tabby Tabanag, Roger Flores, Boy Manuel, Larry Galvez, Boy Togonon at Peter Alegre puro mga beterano ng PAL Interclub.

Siguradong nasa “fairway in heaven” na silang lahat ngayon.

Hanggang Sabado ang labanan sa PAL Interclub at sa kinagabihan naman ay bakbakang umaatikabo naman ang magaganap sa Waterfront Hotel.

Isasalang ni Donnie “Ahas” Nietes ang kanyang WBO light-flyweight title laban sa Mehikanong si Moises Fuentes na umaakyat mula sa minimum-weight class.

Mas matanda si Nietes ng tatlong taon sa 27-anyos na si Fuentes at mas marami nang giyera ang pinagdaanan (31-1-0 at may 17 knockouts). Si Fuentes at 16-1-0 at walong knockouts.

Matinik at palaban itong si Fuentes. Sana ay hindi lang siya sa chicks matinik dahil nung umatend siya ng press conference sa Maynila nung Martes ay haping-hapi siya sa kanyang nakita.

Nasa kaliwa’t kanan niya ang magagandang promo girls ng Cobra Energy Drink at abot tenga ang ngiti niya lalu na nang siya ay halikan sa pisngi ng mga babae.

Mabilis kumilos si Fuentes dahil nakasingit ng halik sa lips ng isa sa mga babae.

May killer punch kung baga. Kaya mag-ingat ka Donnie.

 

Show comments