San Miguel pinataob ang Singapore Slingers

MANILA, Philippines - Sumandig ang San Miguel Beer sa magandang laro ni Fil-Am guard Chris Banchero para talunin ang Jobstreet.com Singapore, 66-55, at masolo ang ikalawang puwesto sa ilalim ng Indonesia Warriors sa ASEAN Basketball League kagabi sa Singapore Indoor Stadium sa Singapore.

Nagposte si Banchero ng 16 points, 5 assists at 4 rebounds, habang humakot naman si 6-foot-9 Fil-Tongan Asi Taulava ng 10 points at 13 rebounds para sa 4-3 record ng Beermen.

Nalasap ng Slingers, nakahugot kina imports Kyle Lee Jeffers at Rashad Jones-Jennings ng pinagsamang 28 points at 28 rebounds, ang kanilang 4-4 baraha.

Tangan ng Warriors ang liderato mula sa kanilang 6-2 kartada.

Nanggaling ang Beermen buhat sa isang 76-82 kabiguan sa Westport Malaysia Dragons noong nakaraang linggo kung saan tumipa si Banchero ng 20 points.

Kinuha ng Slingers ang 9-4 lamang sa first period bago nagtuwang sina Banchero, Taulava at import Matt Rogers para sa isang 18-3 atake na nagbigay sa Beermen ng 22-12 abante.

Show comments