Ulo’t buntot ang magpapang-abot sa ikalawang out-of-town game ng PBA Commissioner’s Cup mamayang 6:30 pm sa Mindanao Civic Center sa Tubod, Lanao del Norte.
At napakasuwerte ng mga kababayan natin doon dahil sa sila ang unang makakapanood nang live sa baÂgong import ng Gin Kings na si Vernon Macklin na dumating bilang kapalit ni Herbert Hill na kinaasaran lang ng mga fans ng pinakapopular na ballclub sa bansa.
Katakut-takot na batikos ang inabot ni Hill sa social media. Nagtataka ang mga Barangay Ginebra fans kung bakit ito ang kinuha ng Gin Kings bilang import. Ang sama kasi ng performance niya.
Hindi naihatid ni Hill sa panalo ang Gin Kings sa una nilang tatlong laro kung saan natalo sila sa Air21 (74-70), Globalport (89-80) at Petron Blaze (105-90). Laban nga sa Boosters ay iniupo na lang siya ni coach Alfrancis Chua sa fourth quarter at si Yousef Taha na lang ang ginamit na pambantay kay Renaldo Balkman. Mas maganda pa ang ginawa ni Taha.
Kung sabagay, bago nagsimula ang larong iyon ay alam na ni Hill na mamamaalam na siya. Nandito na kasi si Macklin noon.
Pero dapat sana’y namaalam nang maayos si Hill at ipinakitang puwede din naman siyang pakinabangan kahit paano.
Tapos na ang kabanatang iyon. Si Macklin naman ngayon ang aasahan ng Gin Kings.
Si Macklin ay isang second round pick (52nd overall) ng Detroit Pistons noong 2011 NBA Draft. Ang 6-10 na si Macklin na magdiriwang ng ika-27 kaarawan niya sa Setyembre 25 ay tubong Portsmouth, Virginia. Naglaro siya sa University of Florida kung saan nagtapos siya ng may degree sa sociology.
Naglaro siya sa Fort Wayne Mad Arts sa NBA D-League kung saan nag-average siya ng 15 puntos at 14 rebounds. Mula roon ay naglaro din siya sa Royal Hali Gaziantep sa Turkish Basketball League at sa Rio Grande Valley Vipers sa NBA D-League.
Siguro naman ay gaganahan na ang mga locals ng Barangay Ginebra sa bago nilang import lalo na kung magiging maganda ang performance nito mamaya.
Kasi nga, sa unang tatlong games ng Gin Kings ay hindi din maganda ang performance ng locals. Tanging sina Mark Caguioa at LA Tenorio lang ang may average na double figures sa scoring.
Understandable din naman iyon. Kasi kapag walang kuwenta ang import, kahit paano’y tatamarin ang locals. Kaya nga kumuha ng import para ito ang manguna sa koponan, hindi ba?
Ang medyo nakakaandap nga lang mamaya ay ang pangyayaring ang katapat ng Gin Kings ay ang pinaÂkamainit na koponan sa kasalukuyan. May 3-0 record ang Aces at nasa itaas ng standings matapos na magposte ng sunud-sunod na panalo laban sa Rain or Shine (83-81), Meralco (85-81) at Barako Bull (77-73). Mataas na mataas ang morale ng Aces na naghahangad na mahigitan ang semifinals appearance sa nakaraang Philippine Cup.
At mukhang nakakuha ng mahusay na import si coach Luigi Trillo sa katauhan ni Robert Dozier na sa tatlong games ay nag-average ng 22.33 puntos, 16.67 rebounds, isang assist, 1.33 steals at 3.33 blocked shots sa 40.33 minuto.
Biruin mong parang isinubo kaagad sa mga Tigre si Macklin at ang Gin Kings mamaya!
Ang maganda lang nito’y kapag nasilat ng Gin Kings ang Aces. Magandang simula iyon. Matinding morale booster dahil sa ang una nilang panalong maipoposte kontra sa isang koponang hindi pa nadadapa.
Tiyak na masaya ang mga fans sa pagbalik ng kaÂnilang paboritong koponan bukas.
Kung lulusot na ang Ginebra sa Alaska MIlk.