Election Fever

Tahimik ang mundo ni Manny Pacquiao nung mga nakaraang araw.

Mukhang wala nang nangyari sa kanyang pla­nong lumaban sa April dito sa Pilipinas dahil kung meron may dapat siguro at nagsisimula na siyang mag-ensayo para dito.

Nung huli kong makausap ang kanyang business manager na si Eric Pineda ang sabi nito ay medyo pabagu-bago ang isip ni Pacquiao tungkol sa sunod niyang laban.

Marami din kasi siyang iniintindi dahil sa darating na Mayo ay tatakbo siya sa Sarangani bilang congressman. Sure ball naman ang panalo dahil wala siyang kalaban.

Pero hindi nangangahulugan na wala siyang mga dapat gawin. Unang-una, kailangan niyang kumampanya para sa asawang si Jinkee na tatakbong vice governor sa Sarangani.

Tatakbo din bilang congressman ang kanyang batang kapatid na si Roel sa General Santos City, kung saan inaasinta din yata ng kanyang legal adviser na si Frank Gacal ang posisyon ng konsehal.

Isa pang taong malapit kay Pacquiao, si Wakee Salud, ay tatakbo din bilang mayor ng Cordova sa Cebu pero sa huling ulat ay mukhang naharang ng Comelec ang kanyang kan­didatura.

Kaya sa parating na eleksyon ay mukhang magiging busy si Pacquiao.

Natural, kailangan din niyang tulungan ang kanyang mga kaibigan sa pulitika. Malapit si Pacquiao kay Vice President Jojo Binay at natural lang na suportahan niya ang mga sinusuportahan ni VP.

Sa akin, tama lang nga na magpahinga muna si Pacquiao sa boksing. May panahon pa naman. Mahaba pa ang taon. Marami pang pwedeng makalaban.

Isa nga rito si Juan Manuel Marquez at nariyan din si Brandon Rios o si Robert Guerrero.

Magpahinga na nga muna siguro si Pacquiao.

Mahaba pa ang boksing.

Show comments