MANILA, Philippines - Babanderahan ni world boxing champion Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr. ang dalawa pang kampeon na nagbigay ng karangalan sa bansa sa world championship at isang dominanteng college basketball team ang napili bilang co-winners ng Athlete of the Year award ng Philippine Sportswriters Association (PSA).
Makakasama ng super-bantamweight king na si Donaire ang Big League Softball World Series winner Team Manila, si AIBA World Women’s Boxing Championship gold medal winner Josie Gabuco at ang five-time UAAP men’s basketball title holder na Ateneo Blue Eagles sa PSA Annual Awards Night na inihahandog ng Milo.
Ang apat ang nanguna sa listahan ng mga top achievers na bibigyan ng parangal sa Marso 16 sa Manila Hotel.
Ito ang ikatlong PSA Athlete of the Year trophy ni Donaire at ikalawang sunod matapos makipaghati kay billiards great Dennis Orcollo sa nakaraang PSA Awards na suportado din ni Senator Chiz Escudero.
Isang first time winner noong 2007, si Donaire ang naging pang-pitong three-time winner ng award matapos magsimulang magtala ng record ang PSA noong 1981.
Makakasama ni Donaire sa listahan sina Lydia De Vega, Bong Coo, Paeng Nepomuceno, Luisito Espinosa, Efren `Bata’ Reyes at boxing great Manny Pacquiao.
Ito naman ang unang pagkakataon na makakaÂtanggap si Gabuco ng PSA award kagaya ng mga Manila softbelles at Blue Eagles na mga unang koponan na binigyan ng parangal matapos ang Southeast Asian Games overall champion Team Philippines noong 2005.
Ang 25-anyos na si Gabuco ang naging unang Filipina boxer na nakakopo ng gold medal sa World Women’s Boxing Championship matapos umiskor ng isang 8-7 panalo laban kay World No. 8 Xu Shiqi sa light-flyweight finals sa Olympic Sports Center sa Qinhuangdao, China.
Kumuha ng pitong sunod na panalo ang Manila softbelles, kasama ang 14-2 paggiba sa California sa title match sa Kalamazoo, Michigan.
Dumiretso naman ang Blue Eagles sa kanilang pang-limang sunod na kampeonato nang maghari sa Season 75 ng UAAP.