MANILA, Philippines - Taon sana ang 2012 ng bagitong San Miguel Beermen sa ASEAN Basketball League kung ‘di naunsiyami ng mas determinadong Indonesia Warriors.
Namuro na sa titulo ang Beermen matapos makauna sa best-of-three series pero inilabas ng Warriors ang masidhing hangarin na maihanay ang sarili bilang kampeon ng liga matapos dominahin ang ikalawa at ikatlo at huling laro.
Pinakamarami ang bilang ng mga sumali sa regional basketball league sa ikatlong season dahil umabot sa walo ang naglaban.
Ang Beermen, Saigon Heat at Bangkok Cobras ang mga bagong koponan at sinamahan nila ang Patriots, Warriors, KL Dragons, Singapore Slingers at Chang Thailand na sumabak sa triple-round elimination.
Sa pagtatapos ng 21-game elimination, nalagay ang Beermen sa unang puwesto habang ang ikalawang puwesto ay kinuha ng Patriots upang tumibay ang posibilidad na mapasakamay uli ng bansa ang kampeonato ng liga.
Ipinarada ng Beermen ang dating PBA imports na sina Duke Crews at Nic Fazakas at mahuhusay na locals sa pangunguna ni Leo Avenido, nagawang lampasan ang upset na hatid ng Malaysia nang iuwi ang 78-76 ang Beermen sa deciding game.
Ang Patriots na pinangunahan nina Anthony Johnson at 2011 Best Import Nakiea Miller, ay anino lamang ng laro na naipakita sa eliminasyon nang durugin sila ng Warriors, 73-64 at 72-51.
Hindi biro ang lakas ng tropa ni coach Todd Purvis dahil nasa kanila ang mahuhusay na imports na sina Steve Thomas at Evan Brock bukod pa sa Fil-Am guard Stanley Pringle, Filipino guard Jerick Canada at 3-point shooter Allan Sanggalang at mahusay na Indonesian guard Mario Wuysang.
Ang panalo rin ng Warriors ay kanilang pagganti matapos manalo ang Patriots sa Indonesia para hirangin bilang kauna-unahang kampeon ng liga.
Pinalakas ng Beermen ang tsansang maging rookie team na nagkampeon tulad ng Patriorts sa pamamamagitan ng 86-83 sa game one ng best of three finals sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Pero ito na ang una’t huling tikim ng panalo ng Beermen dahil itinaas pa ng Warriors ang antas ng laro sa dalawang do or die game na hinarap.
Dinurog ng Warriors ang Beermen, 81-61, sa game two bago inuwi ang 78-76 panalo sa game three.
Nagkaroon ng pagkakataon ang Beermen na agawin pa ang panalo pero hindi nila naipasok ang mahahalagang buslo sa endgame upang matulala ang mga locals na sumaksi sa labanan.
Pakonsuwelo sa Beermen ang pagkakahirang kay Avenido bilang Best Local player ng ABL.