Nalasap na dalawang kabiguan sa 2012 isinantabi: Pacquiao no. 1 pa rin sa Pinoy
MANILA, Philippines - Matapos ang itinalang 15-fight winning streak kasama ang walong knockouts, dalawang masaklap na kabiguan ang nalasap ni Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao sa 2012.
Noong Pebrero 5, inihayag ni Bob Arum ng Top Rank Promotions na si Timothy Bradley, Jr. ang siyang lalabanan ni Pacquiao sa Hunyo 9 para sa kanyang suot na WBO welterweight title.
Ito ay matapos bumagsak ang negosasyon kaugnay sa laban ni Pacquiao kay Floyd Mayweather, Jr. para sa Cinco De Mayo.
Sa pinakahuling press conference nila ng 29-anyos na si Bradley, ibinigay ni WBO president Francisco “Paco” Valcarcel kay Pacquiao ang WBO Diamond Ring bilang pagkilala sa Sarangani Congressman bilang WBO Best Pound-for-Pound Fighter of the Decade.
Sa kanilang upakan ng maskuladong si Bradley, natalo si Pacquiao mula sa isang kontrobersyal na split decision, 115-113, 113-115 at 113-115.
Bagamat kinondena ng mga boxing experts at fans ang naturang desisyon ng tatlong judges, tinanggap pa rin ni Pacquiao ang kanyang pagkatalo kay Bradley.
Apat na araw matapos ang nasabing laban, naglabas si Valcarcel ng isang statement kaugnay sa gagawin ng Championship Committee ng WBO ng pagrebisa sa video ng limang ‘independent, competent and recognized international judges’ sa Pacquiao-Bradley fight.
Noong Hunyo 21, 2012, sinabi ng limang WBO Championship Committee judges na si Pacquiao ang dapat nanalo mula sa kanilang pag-iskor na 117-111, 117-111, 118-110, 116-112 at 115-113.
Ngunit hindi na mababago ng WBO ang resulta ng nasabing laban at nagrekomenda na lamang ng isang rematch.
Sa hangaring maibangon ang pangalan ni Pacquiao, itinakda ni Arum ang pang apat na salpukan ni ‘Pacman’ at ni Juan Manuel Marquez noong Disyembre 9.
Halos apat na buwan na nagpalaki ng katawan at nagpalakas ang 39-anyos na si Marquez, nakahugot ng isang draw sa kanilang unang pagkikita ni Pacquiao noong Mayo ng 2004 at nakalasap ng split decision loss sa kanilang rematch noong Marso ng 2008.
Pinaratangan din ni chief trainer Freddie Roach si Marquez na gumagamit ng performance enhancing-drugs (PEDs) na ibinibigay ni strength and conditioning coach Angel Hernandez.
Sa kanilang laban, lumamang sa scorecards ng tatlong judges si Pacquiao bago nagmintis ang kanyang left straight na nagresulta sa mabigat na right hand ni Marquez na nagpatulog sa Filipino boxing superstar sa huling segundo ng sixth round.
Ilang minutong hindi gumagalaw si Pacquiao dahil sa lakas ng suntok sa kanya ni Marquez.
“Getting knocked out is not death,” wika ni Arum. “You lose a fight, it don’t mean anything if you give the public what they want and you come back, you should be as marketable as you were before.”
Kinatigan din ni Roach si Arum.
“I don’t think it’s the end of Manny Pacquiao. I was just talking to him before they took him to the hospital, he’s fine. He knows he made a mistake and got careless, that happens in boxing. It’s not the first time we’ve been knocked out and it won’t be the first time we’ll come back from a loss,” ani Roach.
Sa kabila ng kanyang dalawang sunod na kabiguan sa 2012, hindi pa rin maiaalis kay Pacquiao ang kanyang malalaking panalo laban kina Marco Antonio Barrera, Oscar De La Hoya, Erik Morales, David Diaz, Ricky Hatton, Miguel Cotto, Antonio Margarito at Shane Mosley.
Huling nanalo si Pacquiao noong Nobyembre 12, 2011 kung saan niya binigo si Marquez via majority decision para mapanatiling suot ang WBO welterweight belt sa kanilang napagkasunduang catchweight 144 pounds fight.
- Latest