MANILA, Philippines - Sa opisyal na press conference para sa 75th UAAP season, itinuro ng mga coaches ang Ateneo bilang team to beat pa rin sa liga.
Hindi naman sila binigo ni coach Norman Black dahil ibinigay niya sa Blue Eagles ang kanilang ika-limang sunod na titulo sa huling taon sa koponan.
May 15-2 baraha ang Blue Eagles sa kabuuan ng season at ang huling dalawang panalo ay kinuha laban sa UST, 83-78 at 65-62, para walisin ang best-of-three series.
Ang tagumpay na ito ay tumabon sa kabiguan inabot ni Black noong 2006 nang natalo sa kamay ni UST coach Alfredo Jarencio kahit nakauna sa serye.
“It has been a good run,” wika ni Black na tinapos na rin ang siyam na taong paninilbihan sa Ateneo bitbit ang limang titulo at isang segundo puwestong pagtatapos.
“The hardest part to do was continue winning. The more you win, the more people want to bring you down. The more you have to bring you’re A-game every time,” dagdag ng 54-anyos na mentor na inilagay din ang Eagles sa ikalawang puwesto kasunod ng UE na may pinakamahabang winning streak sa championship.
Ang UE ang nangunguna sa pitong sunod mula 1965 hanggang 1971.
Patok ang Eagles kahit nawala ang iba pang matitikas noong 2011 sa pangunguna nina Eman Monfort at Kirk Long dahil nasa koponan pa rin ang ‘Big 3’ na sina Kiefer Ravena, Greg Slaughter at Nico Salva.
Ang sophomore na si Ravena ang siyang lumabas bilang leading scorer ng koponan sa kanyang 15.69 puntos, 5.3 rebounds, 3.5 assists at 1 steal, habang ang 7-footer na si Slaughter ay naghatid ng 13.38 puntos, 9.6 rebounds, 1.75 assists at 2.75 blocks sa 30 minutong paglalaro.
Si Salva ay tumapos bitbit ang 14.31 puntos, 4.7 rebounds at 1.69 assists at winakasan niya ang makulay na collegiate career hawak ang limang titulo sa ganoong dami ng paglalaro sa UAAP.
Ang Tigers na siyang sinabi ni Black na mabigat sa taong ito, ang tunay na naging karibal ng Ateneo dahil sila ang nagpalasap ng una sa dalawang kabiguan sa season sa 71-70 sa ikalawang asignatura.
Hindi na nakaulit pa ang UST sa sunod na tatlong pagkikita pero dumaan sa butas ng karayom ang kanilang mga laban dahil ang winning margin lamang ng Blue Eagles ay nasa 3.6 puntos lang.
Tulad sa kabilang liga, nagkaroon din ng kontrobersya ang finals dahil sa ‘slit-throat’ na ginawa ni Jarencio at ang akusasyon na pinapaboran ng mga referees si Black, ang kanyang dating coach, na isang Americano sa Game One na napagwagian ng Ateneo.
Nagkaroon ng palitan ng maiinit na salita pero natapos din ito ng isang mainit na kamayan at yakapan matapos ang game two.
Sa pagtatapos ng liga, lumutang uli ang pangalan ni Bobby Ray Parks Jr. ng National University na pinarangalan bilang MVP ng liga sa ikalawang sunod na taon sa matikas na 17.92 puntos, 6.7 rebounds, 4.5 assists at 1.3 steals sa 33.38 minutong exposure.