Mexican fighter bagsak sa 7th knockout win kay Tunacao
MANILA, Philippines - May asim pa ang dating WBC flyweight champion na si Malcolm Tunacao.
Sa edad na 35, naipakita ni Tunacao na bitbit pa rin niya ang tikas at gilas na naipakita noong taong 2000 nang patulugin ang Mexican fighter na si Christian Esquivel sa WBC bantamweight title eliminator noong Sabado ng gabi sa Central Gym sa Kobe, Japan.
Isang matinding kanan ang pinakawalan ni Tunacao upang bumulagta si Esquivel na naunang nagsabing tatalunin niya ang Filipino boxer na nakabase na sa Kobe, Japan.
Natapos ang laban may 2:10 sa oras sa seventh round at hindi na kinailangan pang bilangan si Esquivel. Nang nagising at nakapagbihis ay idiniretso sa ospital para ipasuri kung may masamang epekto ang pagkakatumba sa laban.
Kontrolado ng tubong Mandaue City, Cebu ang tagisan para magkaroon ng pagkakataon na makahawak uli ng world title sa pagsukat sa walang talong kampeon ng dibisyon na si Shinsuke Yamanaka.
Noong Mayo 19, 2000 nakilala si Tunacao nang kanyang hiritan ng seventh round TKO panalo si Medgeon Singsurat ng Thailand.
Ang laban ay idinaos sa Udon Thani, Thailand at ang panalo ni Tunacao ay pambawi ng Pilipinas kay Singsurat matapos patulugin sa ikatlong round ang dating flyweight champion Manny Pacquiao na nangyari noong Sept. 17, 1999.
Nauwi sa tabla ang unang pagdepensa ni Tunacao laban kay Celes Kobayashi ng Japan noong Oktubre 20, 2000 bago naisuko ang kampeonato noong Marso 2, 2001 kay Pongsaklek Wonjongkam sa isang first round knockout na pagkatalo.
Nagpatuloy sa paglaban si Tunacao at nahawakan niya ang WBC international super flyweight title at OPBF bantamweight title.
Ang panalo kay Esquivel ay kanyang ika-11 sunod para itaas ang ring record sa 32 panalo at 2 talo kasama ang 20 KOs.
Si Esquivel ay lumasap ng ikaapat na kabiguan sa 29 laban at ikalawang pagkatalo sa huling tatlong sampa sa ring.
Noong Nobyembre 6, 2011 ay nilabanan niya si Yamanaka para sa bakanteng WBC title at tumanggap siya ng 11th round TKO pagkatalo.
Ang 30-anyos na si Yamanaka ay nakapagsagawa ng dalawang title defense sa taong ito laban kina Vic Darchinyan at Tomas Rojas na parehong ginawa sa Japan.
Si Darchinyan ay natalo sa pamamagitan ng unanimous decision noong Abril 6 habang natulog sa seventh round si Rojas noong Nobyembre 3.
Inaasahang walang magiging problema sa title fight na ito nina Tunacao at Yamanaka dahil pareho silang nakabase sa Japan.
- Latest