MANILA, Philippines - Hindi man kasing laki sa mga naunang Filipino-Mexican boxing bouts na naidaos na, tiyak na mapupuno pa rin ng aksyon ang pagkikita ni dating world champion Malcolm Tunacao at Christian Esquivel ngayon Sabado sa Central Gym, Kobe, Hyogo, Japan na isang WBC bantamweight title eliminator.
Ipamamalas ng 35-anyos na si Tunacao na kaya pa rin niyang maging isang world champion laban sa 26-anyos Mexican na si Esquivel.
Balak naman ni Esquivel na tuluyang ibaon sa limot ang 11th round knockout pagkatalo kay Shinsuke Yamanaka ng Japan noong Nobyembre, 2011 para sa bakanteng WBC bantamweight title.
Ang mananalo sa labang ito ang siyang makakaharap ni Yamanaka sa kanyang title defense.
“Magaling siya pero mas mahusay ako sa kanya. Hindi ko alam kung paano ko siya tatalunin pero alam kong matapos ang labang ito ay ako ang lalaban sa world title na hawak ni Shinsuke,” wika ni Tunacao.
Ito ang ikatlong sunod na laban sa buwan ng Disyembre na kinapalooban ng Pinoy at Mexican pug at naunang natalo si Manny Pacquiao kay Juan Manuel Marquez sa pamamagitan ng 6th round KO pero bumawi si Nonito Donaire Jr. nang patulugin sa ikatlong round si Jorge Arce.
Handa naman si Esquivel na biguin si Tunacao na noong 2000 ay naghari sa WBC flyweight division.
“I am glad Malcolm is brimming with confidence because I will be happier when I beat him. I trained hard to get used to fighting southpaws and I am ready,” banat pa ni Esquivel na may 25 panalo sa 28 laban kasama ang 18 knockouts.
Si Tunacao ay mayroong 31 panalo sa 36 laban at may 19 KOs. Ito na rin ang ikatlong laban ng tubong Mandaue City, Cebu pero ngayon ay naninirahan na sa Kobe, Japan.
Una niyang pinatulog sa third round si Yuki Takemoto noong Marso bago isinunod si Martin Mubiru noong Setyembre gamit ang unanimous decision.