Laro sa Martes
(Emilio Aguinaldo College gym)
12 p.m. Cagayan Rising Suns vs JRU
2 p.m. Erase Xfoliant vs Big Chill
MANILA, Philippines - Nalusutan ng NLEX Road Warriors ang upset na dala ng Blackwater Sports nang kunin ang 70-68 panalo sa pagpapatuloy kahapon ng PBA D-League Aspirants’ Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Sina Ronald Pascual at RR Garcia ay mayroong 12 at 11 puntos para sa Road Warriors na gumamit ng matibay na depensa sa huling yugto at suwerte sa endgame para pigilan ang paglasap ng kauna-unahang back to back na pagkatalo sa liga.
Nilimitahan ng solidong depensa ang Elite sa 5 of 17 shooting sa huling yugto upang ang 58-60 iskor ay naging 70-64 kalamangan sa huling 40 segundo.
Kumawala ng tres si Kevin Ferrer at matapos ang masamang play ng kalaban ay nalagay sa 15-footline si Ferrer sa foul ni Kirk Long, may 2.3 segundo sa orasan.
Ang unang free throw lamang ang naipasok ni Ferrer pero ang bola ay napunta kay Ian Mazo ngunit sablay ang panablang attempt.
“Nanalo kami dahil maganda ang depensa namin sa end game,” wika ni NLEX mentor Boyet Fernandez.
Bumaba ang Elite sa 4-2 karta upang makatabla ang Big Chill, Cagayan Valley at Cafe France sa ikalawang puwesto.
Patuloy naman na humihinga pa ang Boracay Rum nang kunin ang ikalawang sunod na panalo laban sa baguhang Informatics, 74-66, sa unang laro.
Limang manlalaro sa pangunguna ni Jeff Viernes na tumapos taglay ang 18 puntos, ang gumawa ng mahigit na 10 puntos para sa Waves na umangat sa 2-5 baraha.