MANILA, Philippines - Kasabay ng paglasap ng dalawang mapapait na pagkatalo ang pagbaba ni Manny Pacquiao mula sa tuktok sa talaan ng pound for pound ng prestihiyosong The Ring Magazine.
Sa bagong talaan na ipinalabas kahapon, si Pacquiao ay ibinaba na sa ikapitong puwesto dahil sa dalawang pagkatalo sa kamay nina Timothy Bradley at Juan Manuel Marquez sa taong ito.
Noong nakaraang buwan, ang dating pound for pound king ay kasalo ng walang talong US boxer Floyd Mayweather Jr. sa ikalawang puwesto matapos desisyunan ng board ng The Ring na bakantehin ang unang puwesto.
Si Mayweather, na tinalo si Miguel Cotto noong Mayo 5 para agawin ang WBA World light middleweight title, ang siya ngayong nagsosolo sa unang puwesto.
Kahit sa welterweight rankings ay bumaba na rin ang Pambansang kamao at ngayon ay nasa ikaapat na puwesto na kasunod nina Mayweather, Marquez at Robert Guerrero.
Lalabas ngayon na si Nonito Donaire ang pinakamataas na rated fighter ng bansa sa nasabing kategorya dahil nasa ikaanim na puwesto siya sa ngayon.
Dating nasa ikalima si “Filipino Flush” ngunit bumaba rin dahil sa pag-angat mula sa ikaanim tungo sa ikatlo ni Marquez.
Puwede namang magbago ang kinalulugaran ni Donaire kung manalo kay Jorge Arce ng Mexico sa kanilang tagisan sa Linggo.
Si Andre Ward ang pumapangalawa ngayon sa talaan habang sina Sergio Martinez at Adrien Broner ang nasa ikaapat at limang posisyon.