MANILA, Philippines - Buhay pa ang laban ng Boracay Rum sa PBA D-League Aspirants’ Cup nang kunin ang 63-53 panalo laban sa Jose Rizal University kahapon sa Trinity University of Asia Gym.
Ibinigay ng bagong hugot na si Marcy Arellano ang lideratong hanap ng koponan habang si Toto Bandaying ay gumawa ng dalawang malaking tres sa huling yugto upang makakawala ang Waves mula sa huling tabla sa 51-all.
“Must-win na kami sa lahat ng laro namin. Ang sinabi ko lang sa kanila, sana manalo kami bago matapos ang taon para maganda ang pasko namin. Malaking panalo ito dahil nabigyan pa kami ng pag-asa,” wika ni Waves coach Lawrence Chongson na may 1-5 karta.
Si Roider Cabrera ay may 16 puntos habang sina Bandaying at Jaymo Eguilos ay may 10 puntos.
Dalawang puntos lamang ang naitala ni Arellano pero humablot siya ng 7 rebounds at may 5 assists sa 22 minutong paglalaro.
Bumaba ang Heavy Bombers sa 1-4 at kinatampukan ang mahinang laro ng koponan ng kawalan ng player na nagtala ng doble-pigura.
Itinabla naman ng Cebuana Lhuillier ang kanilang karta sa 3-3 nang padapain ang Erase Xfoliant, 92-74, sa ikalawang laro.