MANILA, Philippines - Paiinitin uli ng Cebuana Lhuillier at Erase Xfoliant ang nanlalamig na kampanya sa PBA D-League Aspirants’ Cup na gagawin ngayong hapon sa Trinity University of Asia Gym sa Quezon City.
Parehong nakalugmok ang Gems at Erasers sa 2-3 karta kaya’t maaasahang magpupursigi ang magkabilang kampo na makuha ang panalo para mapalakas ang hangaring makaiwas sa maagang bakasyon.
Ang nasabing tagisan ay itinakda dakong alas-4 matapos ang sukatan ng Jose Rizal University at Boracay Rum.
Parehong nasa ilalim din ng standings ang Heavy Bombers at Waves at nakaangat lamang ng kaunti ang tropa ni coach Vergel Meneses dahil may isang panalo na sila matapos ang apat na laro kumpara sa limang sunod na pagkatalo sa tropa ni coach Lawrence Chongson.
Kailangan ng Waves na mahanap ang tamang kumbinasyon dahil sweep sa nalalabing limang laro na lamang ang puwedeng makasalba sa koponan para makaabante sa quarterfinals.
Galing sa 82-86 pagka-talo ang Gems sa Cagayan Rising Suns habang may two-game losing streak naman ang Erasers sa kamay ng Fruitas (73-78) at Café France (58-73).
Aasa si Erasers coach Aric del Rosario na mahahanap uli ni Jet Vidal ang husay sa pagbuslo matapos kumamada lamang ng average na 10 puntos sa huling natalong laro.
Sa kabilang banda, hanap naman ni coach Beaujing Acot ang magandang teamwork sa kanyang bagong bihis na koponan para mapasama sa anim na koponan na aabante sa susunod na yugto ng tagisan.
Ang panalong makukuha ng alinman sa Gems o Erasers ang maglalagay sa koponan sa mahalagang ikaanim na puwesto sa standings.