MANILA, Philippines - Magkakaroon pa rin ng matibay na sasandalan ang Ateneo sa kanilang pagsulong sa makasaysayang ikaanim na sunod na titulo sa UAAP.
Ito ay matapos na magkaayos na ang paaralan at ang number one supporter na si Manny V. Pangilinan upang tumulong pa rin ang negosyante at sportman sa basketball program ng Eagles.
“Over the past few days, Mr. Manuel V. Pangilinan (MVP) and I have been meeting in an effort to move forward and create a more open and constructive partnership. Our dialogue touched upon various matters (both immediate and long term) that involved the Ateneo de Manila,” wika ng kalatas ng pangulo ng Ateneo na si Fr. Jose Ramon Villarin SJ, na lumabas sa opisyal na website ng paaralan.
Tumulong si MVP para muling makausap ang nagustuhang coach na si Bo Perasol na kanilang tinapik para makahalili ng nagbitiw na si Norman Black.
Pero higit dito, si MVP ay nangako na patuloy na tutulong sa pagbibigay ng gastusin sa kanilang basketball program.
Sinabi ni Fr. Villarin na itutuloy ng Ateneo ang planong pagbuo ng Sports Endowment Fund (SEF) na mula kontribusyon ng mga kapanalig.