MANILA, Philippines - Namuro ang Pilipinas na walisin ang mga singles events na pinaglalabanan sa 2012 Phinma International Juniors Tennis Championships sa Rizal Memorial Tennis Center.
Sina Jurence Mendoza at Alberto Lim ay umani ng panalo sa boys division habang si Marian Capadocia ay nagwagi sa girls sa quarterfinals kahapon.
Hiniya ng 12-anyos top seed na si Mendoza si sixth seed Ahmed Deedat Abdul Razak ng Malaysia, 6-2, 6-1.
Ang panalo ay nagtiyak na mahihigitan ni Mendoza ang pagkapasok lamang sa quarterfinals noong nakaraang taon dahil sunod niyang haharapin si fourth seed Yusuke Takahashi ng Japan sa semis ngayon.
Si Takahashi ay nasa last four nang pagpahingahin si seventh seed Congsup Congcar ng Thailand, 7-5, 6-0.
“Mas relax at may pasensya ako sa mga palitan. Focus lang ako sa bawat point,” wika ni Mendoza na nakatakdang maglaro sa kauna-unahan niyang Grandslam event na Australian Open sa Enero.
Ang 13-anyos na si Lim na nanalo sa doubles sa Singapore ITF Junior Championships, ay nanaig kay Shoma Kato ng Japan, 6-1, 7-5.
Kasapi ng Philippine Tennis Academy, sunod na kalaban ni Lim si Daniel Nolan ng Australia na may 7-5, 7-6(2), tagumpay kay Shoki Kasahara ng Japan.
Si Capadocia, edad 17 na fourth seed sa kababaihan at sariwa sa 6-1, 6-2, panalo sa top seed Sri Vaishnavi Peddi Reddy ng India noong Miyerkules, ay sinibak naman ang eight seed Ma Yi Chi ng Taipei, 6-2, 6-1.
Ang puwesto sa finals ay paglalabanan nina Capadocia, isang semifinals noong 2011, laban sa third seed Miki Kobayashi ng Japan na humirit ng 6-0, 6-0, panalo kay fifth pick Plobrung Pliphuench ng Thailand.