Pang-18th triple-double inilista ni Bryant Lakers pinasabog ang Rockets
LOS ANGELES -- Matapos ang dalawang team practices at dalawang laro na magkakasama, nakikita na ni Kobe Bryant ang ideya ni head coach Mike D’Antoni para sa Los Angeles Lakers.
Kumolekta si Bryant ng 22 points, 11 rebounds at 11 assists para sa kanyang pang 18th career triple-double at pangunahan ang Lakers sa 119-108 panalo laban sa Houston Rockets para sa kanilang pang apat na panalo sa limang laro matapos sibakin si coach Mike Brown.
Humakot si Dwight Howard ng 28 points at 13 rebounds, habang may 15 markers si Pau Gasol para sa kanyang pang 15,000th career point.
Ito ang ikalawang sunod na panalo ng Lakers matapos pamahalaan ni D’Antoni ang kanilang team practices.
Hindi pa nauupo si D’Antoni sa bench ng Los Angeles matapos sumailalim sa isang surgery para sa kanyang tuhod.
Pinanood ni D’Antoni ang ikalawang sunod na laro ng Lakers sa kanilang locker room, habang si interim coach Bernie Bickerstaff ang nagmamando sa koponan.
Tumipa si Chandler Parsons ng 24 points at may 20 si James Harden para sa Rockets na natalo sa anim sa kanilang walong laro.
Sa iba pang resulta, pinataob ng New York ang Indiana, 88-76; giniba ng Toronto ang Orlando, 97-86; namayani ang Philadelphia sa Cleveland, 86-79; tinalo ng Brooklyn ang Sacramento, 99-90 at hiniya ng Oklahoma City ang Golden State, 119-109.
- Latest