Ph Blu Boys sasagupa sa Thailand sa World Baseball Classic

MANILA, Philippines - Ipapakita ngayon ng pinalakas na Philippine baseball team ang bangis sa pagsasama-sama ng mga purong Pinoy at Fil-fo­reigners sa pagbangga sa Thailand sa pagbubukas ngayon ng World Baseball Classic qualifier 4 sa Xinzhuang Stadium sa New Taipei City.

Mangunguna sa koponan ang dating San Francisco Giants pitcher Geno Espineli pero hindi malayong makatuwang niya sina Leighton Pangi­linan at Ryan Pineda na napahanga ang national coach Wilfredo Hidalgo Jr.

“Malalakas pumalo sina Pangilinan at Pineda. Maganda ang samahan dahil mababait ang mga Fil-foreigners na nakuha natin,” wika ni Hidalgo sa pamamagitan ng email.

Bukod sa mga Fil-foreigners ay maaari ring asahan ang husay ng mga locals na nagdomina sa SEA Games noong 2005 at 2011 at kagagaling sa panalo sa East Asia Cup.

Kailangang manalo ang Pilipinas upang tumibay pa ang laban para makasali sa World Baseball Classic tournament proper sa susunod na taon.

Ang host Chinese Taipei na siyang paborito sa torneo ay mapapalaban sa New Zealand sa isa pang laro.

Show comments