Class B bowler umagaw ng eksena sa PBC Open bowl

MANILA, Philippines - Nagpakilala ang bow­­ler na si Nilo Penado nang angkinin ang pinakamagandang iskor sa pagpapatuloy noong Miyerkules ng 41st PBC-POC-PSC Open Championships sa SM Center sa Mall of Asia, Pasay City.

Si Penado na beterano na rin ng ibang malala­king torneo ay gumawa ng 1285 mula sa 693 at 592 upang kunin ang liderato sa Class B.

Angat si Penado laban kina TBAM-Prima’s Joshua Autida (1247) at SLETBA’s Ted Victorino (1146).

Nagpakitang-gilas din si national bowler Raoul Miranda nang pangunahan ang Class O men’s singles sa naitalang 672 at 597 tungo sa 1269 pinfall.

Nakasunod kay Miranda ng MTBA si Jonas Baltasar ng TBAM-Prima (1249) at nasa ikatlo ang dating nangunguna na si ex-world champion Biboy Rivera sa 1199.

Una naman si Jhoana Lualhati ng TBAM Prima sa Class B ladies singles sa kanyang 1169 (557-612) habang ang dating nasa unahan na si Nida Lagrisola ng BALP ay nasa ikalawa na sa 1144 at si Jojie Cabacungan ng PTBA ang pumapangatlo sa 1080.

Ang torneong ito ay inorganisa ng Philippine Bowling Congress (PBC) at suportado ng Philippine Sports Commission (PSC), Philippine Olympic Committee, Boysen, PCSO, Team Prima, F.R. Sevilla Construction at HCG.

 

Show comments