CHINESE-Taipei--Sumungkit ng kanilang ikalawang ginto sina Lerma Bulauitan-Gabito at Erlinda Lavandia para katampukan ang pinakaproduktibong araw para sa Pambansang manlalaro sa 17th Asia Masters Athletic Championships kahapon sa Taipei City Sports Park dito.
Si Bulauitan-Gabito ay nanalo sa women’s 35-39 long jump nang makapagtala ng bagong meet record na 5.50 meters.
Ang dating record ay nasa 5.32m na hawak ng kababayan na si Elma Muros-Posadas na kasama rin sa delegasyon pero hindi na nakakapaglaro matapos ang hamstring injury sa kanyang kanang binti.
Bago ito, si Bulauitan-Gabito ay nanalo sa 100m run habang si Muros-Posadas ay nagkaroon ng ginto sa 100m run sa women’s 45-49 kategorya.
Si Lavandia na naunang nanalo sa women’s 60-64 javelin throw gamit ang bagong record ay nagdomina sa shot put sa 9.49m.
Lumabas uli ang husay ni Emerson Obiena sa men’s 45-49 pole vault habang nakasungkit ng ginto si Aurora Ramos sa women’s 50-54 long jump para iakyat na sa pito ang nasusungkit na ginto ng koponang inilaban ng National Masters and Seniors Athletic Association of the Philippines (NMSAAP).
May 3.60m si Obiena para talunin ang kapatid na si Eduard na may 3.40m habang si Ramos ay gumawa ng lundag na 3.88m.
Sa pagkakaroon ng pitong ginto bukod pa sa 7 pilak at 3 bronze medals, ang Pilipinas ay nakaangat na sa naitala noong 2010 na 5 ginto at 1 bronze.
Magtatapos ang torneo ngayon at hanap ng delegasyon na makatatlo pang ginto para maabot ang target na 10.