Laro Ngayon
(Smart Araneta Coliseum)
3 p.m. Barako Bull vs Globalport
5:15 p.m. Meralco vs Rain or Shine
7:30 p.m. San Mig Coffee vs Ginebra
MANILA, Philippines - Tatlong koponan ang maghahangad na makatabla sa ikalawang posisyon, habang pipilitin naman ng pinaka-popular na tropa sa liga ang mawakasan ang kanilang apat na sunod na kamalasan.
Haharapin ng Rain or Shine ang Meralco ngayong alas-5:15 ng hapon, habang sasagupain ng San Mig Cofffee ang bumubulusok na Barangay Ginebra San Miguel sa alas-7:30 ng gabi sa elimination round ng 2012-2013 PBA Philippine Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Sa unang laro sa alas-3 ng hapon ay magtatagpo ang Barako Bull at Globalport.
Sumasakay ang Mixers ni coach Tim Cone sa isang two-game winning streak kumpara sa Gin Kings ni mentor Siot Tanquingcen na nasa isang four-game losing slump matapos magposte ng 2-0 panimula.
Bitbit pa rin ng nagdedepensang Talk ‘N Text ang liderato mula sa kanilang 6-1 record kasunod ang tumalo sa kanilang Alaska (5-2), Meralco (4-2), San Mig Coffee (4-2), Rain or Shine (4-2), Petron Blaze (3-4), Ginebra (2-4), Air21 (2-5), Barako Bull (2-5) at Globalport (1-6).
Bagamat nahulog sa kamalasan, hindi pa rin binabalewala ni Cone ang kakayahan ng Gin Kings ni Tanquingcen.
“It doesn’t matter what their record is, Ginebra is always incredibly challenging to play,” wika ni Cone. “There’s a lot of pride in that locker room and in the stands.”
Tinalo ng San Mig Coffee sa kanilang huling dalawang laro ang Barako Bull, 92-91, at Globalport, 82-78, samantalang natalo naman ang Ginebra sa Alaska, 69-87.