MANILA, Philippines - Itinapon ni athletics president Go Teng Kok ang sarili sa POC election nang isumite ang kanyang kandidatura para sa pampanguluhan sa halalan na gagawin sa Nobyembre 30 sa Alabang Country Club.
Huling araw ng pagsusumite ng certificate of candidacy ng mga nagnanais na tumakbo sa halalan kahapon ng tanghali at si Go ay humabol upang hamunin ang nakaupong pangulo na si Jose “Peping” Cojuangco Jr.
“To the Philippine sports community, I just filed my candidacy for POC presidency at exactly 9:50 am. I stuck to my word that if there’s nobody who will challenge Peping (Cojuangco), I will stand and run against all odds. God Bless Philippine sports,” wika ni Go sa kanyang statement.
Hindi pa naman tiyak kung papayagang sumali si Go ng 3-man Comelec sa pangunguna ni Victorico Chavez dahil naunang idineklara ang NSA head bilang persona non grata ng POC General Assembly noong nakaraang taon.
Tiwala naman si Go na hindi maaapektuhan ang kanyang paglahok dahil walang prohibisyon sa POC Constitution ang bagay na ito.
Napilitan tumakbo si Go matapos tanggihan ni Manny V. Pangilinan ang alok ng ibang NSAs na labanan niya si Cojuangco na balak manilbihan sa POC sa ikatlong sunod na termino.
Bukod kay Go ay humabol din sa huling araw ng pagpapatala si triathlon president Tom Carrasco at fencing head Victor Africa na tatakbo bilang chairman at board member ayon sa pagkakasunod.
Lahat din ng puwesto ay may katunggali at kalaban ni Carrasco si incumbent chairman Monico Puentevella ng weightlifting.
Nais ni Manny Lopez na opisyal ng boxing na manatili sa kanyang puwesto bilang 1st Vice President kalaban si karatedo head Joey Romasanta.