MANILA, Philippines - Hindi akalain ni AJ ‘Bazooka’ Banal na ang isang patpating kagaya ni Pungluang Sor Singyu ng Thailand ang bibigo sa kanyang pangarap na maging isang world boxing champion.
Mula sa kombinasyon ni Singyu, bumagsak si Banal sa ninth round para kunin ang bakanteng World Boxing Organization (WBO) bantamweight title noong Sabado ng gabi sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Itinigil ni American referee Tony Weeks ang laban sa 1:45 ng ninth round nang hindi na makagulapay si Banal mula sa pagrapido ni Singyu.
“There was no purpose for him to get hurt anymore,” sabi ni Weeks sa pagpapahinto niya sa nasabing laban.
May 43-1-0-2 win-loss-draw ring record ngayon si Singyu kasama ang 8 KOs, habang may 28-2-1 (20 KOs) naman ang 24-anyos na si Banal.
Bago ang kabiguan kay Singyu ay natalo na rin si Banal sa isang World Boxing Association (WBA) interim super flyweight fight.
Ito ay nang mabigo siya kay Rafael Concepcion ng Panama via 10th-round KO loss noong Hulyo 26, 2008 sa Cebu City.
Samantala, umiskor naman ng mga KOs sina Rey ‘Boom Boom’ Bautista at Jason Pagara laban sa kanilang mga karibal.
Umiskor si Bautista (34-2-0, 25 KOs) ng split decision win kontra kay Mexican Daniel Ruiz (27-6-2, 19 KOs) para ibulsa ang WBO International featherweight crown.
Pinabagsak ni Pagara (30-2-0, 19 KOs) si Miguel Antoine (17-1-1, 9 KOs) ng Barbados sa first round upang angkinin ang WBO light welterweight belt.
Sa mga non-title fights, pinatulog ni Michael Domingo (45-16-2, 24 KOs) si Mudde Ntambe Rabison (19-3-1, 7 KOs) ng Uganda, Africa sa second round, habang pinatumba ni Marlon Tapales (20-1-0, 7 KOs) si Ramanudin (15-3-2, 10 KOs) ng Indonesia sa second round.