Babae sa U.S., na-stroke matapos magpalagutok ng leeg!
ISANG seryosong babala ang hatid ng karanasan ni KayLynne Felthager sa mga taong nakagawian nang magpalagutok ng leeg tuwing nakakaramdam ng ngalay.
Ang simpleng pag-inat na inakala niyang magbibigay-ginhawa ay nauwi sa stroke.
Nagsimula ang insidente habang nagmamaneho pauwi si KayLynne. Dahil sa naramdamang tensiyon sa leeg at sakit ng ulo, instinktibo niyang ipinihit ang kanyang leeg upang palagutokin ito.
Nakarinig siya nang malakas na “crack” na sinundan ng matinding sakit, ngunit inakala niyang simpleng muscle strain lamang ito kaya dinaan niya sa pag-inom ng painkillers.
Makalipas ang limang araw, habang nag-aayos ng sarili, bigla na lamang siyang nakakita ng nakabubulag na liwanag sa kanyang kanang mata na sinundan ng tuluyang pagkawala ng paningin sa loob ng 15 minutes.
Hindi nagtagal, namanhid ang buong kanang bahagi ng kanyang katawan at nawalan siya ng kakayahang magsalita nang maayos.
Agad siyang isinugod sa ospital at sa resulta ng CT scan, natuklasang nagkaroon siya ng vertebral artery dissection o pagkapunit ng ugat sa leeg dulot ng puwersa nang pagpapalagutok.
Ang punit na ito ay bumuo ng blood clot na umakyat sa kanyang utak at nagdulot ng stroke.
Laking pasalamat ni KayLynne na natunaw nang kusa ang clot at hindi na kinailangan ng operasyon, ngunit nagsisilbi itong aral na ang leeg ay napakasensitibong parte ng katawan na hindi dapat basta-basta pinipilipit.
- Latest















