^

PSN Opinyon

Trabaho hanap mo? Baka palarin ka na sa Croatia!

PINOY OVERSEAS - Ramon M. Bernardo - Pilipino Star Ngayon
This content was originally published by Pilipino Star Ngayon following its editorial guidelines. Philstar.com hosts its content but has no editorial control over it.

Balitang-balita sa kasalukuyan iyong pahayag ng Department of Migrant Workers hinggil sa  pangangailangan ng Croatia ng 3,500 manggagawang Pilipino para magtrabaho sa mga hotel sa naturang bansa. 

Batay sa sinasabi ni DMW Undersecretary Patricia Yvonne Caunan, mga gobyerno ng Pilipinas at ng Croatia ang nag-uusap dito at pinipino na nila ang mga patakaran sa pagpapadala ng mga overseas Filipino worker sa Croatia. Ang mga matatanggap ay pagtatrabahuhin bilang housekeeper, front desk, food service at sa iba pang posisyon sa hotel doon. Walang babayarang placement fee kaya hindi kailangan dito ang mga agent, middleman  o recruitment agencies. Ang gobyerno ang recruiter dito.

Ipinahiwatig din na paunang grupo pa lang iyong sinasabing bilang na 3,500 na kailangan sa Croatia sa huling linggo ng Abril o sa Mayo ng taong ito na maaa-ring mangahulugan na meron pang ibang susunod na kukunin para magtrabaho sa naturang bansa. Ang mga Pilipinong may karanasan sa housekeeping, food service, front desk operations at ibang trabahong may kaugnayan sa mga hotel o tourism ay maaaring mag-aplay nang direkta sa Pre-employment and Government Placement Bureau ng DMW. Idiniin ng DMW na sa ahensiyang ito lamang dapat makipag-usap ang mga interesadong mag-aplay at magtrabaho sa Croatia.  Huwag papatulan ang mga online job posting o nagpapakilalang recruiter sa Facebook.  

Ang matatanggap na aplikanteng Pilipino ay maaaring kumita ng mahigit 1,000 euros, o 62,000 pesos o pataas kada buwan kasama ng ibang mga benepisyong maibibigay ng mga employer sa Croatia. Libre ang tirahan at ayon sa DMW, hindi kailangang matututo ng wikang Croatian. Kailangan lang marunong sa Ingles na siyang bentahe ng mga OFW. 

Ayon pa kay Caunan, walang age requirement para sa mga manggagawa dahil mas mahalaga sa mga Croatian employer ang karanasan pero hinahanap din nila sa mga aplikante ang physical fitness sa mga hotel at resort. 

Bibigyan din ng kaukulang pagsasanay ang mga makukuhang OFW pagdating nila sa Croatia.

Kilalanin natin ang Croatia. 

Ang Croatia ay isa sa mga bansa sa Europe na meron na ring ilang mga naninira-han at nagtatrabahong mga Pilipino na tinatayang umaabot sa mahigit 10,000 ang bilang bagaman hindi ito kasing popular na destinasyon ng mga OFW kumpara ng mga nasa Middle East, Uni-ted States,Canada,  iba pang bahagi ng Europe, United Kingdom, Hong Kong at iba pa.

Kadikit ng Croatia ang mga bansang Slovenia, Hungary, Bosnia,  Serbia, at Herzegovina.

Sinasabi sa Internations na 90 porsiyento ng mga mamamayang naninirahan sa Croatia ay mga Croatian pero merong mga minorya dito tulad ng mga Serbs, Bosniaks, Italians, Hungarians, Slovenes, Czechs, Roma, at iba pang demographic groups.

Pangunahin nilang relihiyon ang Roman Catholic Christianity.

Kung titira at magtatrabaho ka sa Croatia,  walang dapat ikabahala dahil, ayon sa isang survey na binabanggit sa Inernations, 75% ng mga Croatians ay nagsasabing nagsasalita sila ng mga wikang dayuhan na kadalasan ay Ingles pero popular din  sa kanila ang salitang Aleman. 

Nakakatulong din na matutuhan ang sarili nilang wika.

Kapag papasok ka sa Croatia, anuman ang iyong travel document, visa o permit, kailangan mong magparehistro sa lokal na presinto ng pulisya roon. Bago pa naging Euro ang pera ng Croatia noong 2023, ang tawag sa nauna ni-yang salapi ay Kuna. 

Itinuturing na pinakamaliit na bayan sa buong mundo ang Hum na matatagpuan sa Istria, Croatia. 

Sa isang census noong 2011, naitalang me-ron itong 30 residente. Pero lumabas sa census noong 2021 na halos dumoble ang kanyang populasyon sa bilang na 52.

Merong Lover’s Island sa Croatia. Ito ang isla ng Galešnjak na hugis-puso kaya naging isa itong romantikong simbolo.

Kung merong tinatawag na Great Wall sa China, ang Croatia naman ay merong Wals of Ston na tinatawag ding European Wall of China.  Mahaba ito nang 5.5 kilometro o halos 3.5 milya. Ilang mga eksena sa television show na Game of Thrones ang kinunan sa Croatia. 

Ang bayan nitong Dubrovnik ay naging makulay na backdrop para sa King’s Landing.

Ipinanganak sa Smijian, Croatia noong 1856 ang inhinyero at imbentor na si Nikola Tesla  na unang bumuo sa tinatawag na alternating current na naging basihan ng mga makabagong sistema sa kuryente. 

Malaki ang naiambag niya sa pagkakalikha ng mga neon lights, remote controls, computers at x-ray.

Nagmula sa Croatia ang mga kurbata. Noong 17th century, ang mga Croatian mercenaries ay nagsusuot ng kakaibang mga tela sa kanilang mga leeg kapag pumupunta sila sa France na nakatawag-pansin sa marami.  Isinilang ang cravat na naging necktie o kurbata kinalaunan hanggang ngayon.   Salitang Pranses ang cravat na hango naman sa salitang Croatian na hrvatska.

Nagmula rin sa Croatia ang mga dalmatian dog partikular sa Dalmatia region nito. Kilala ang mga asong ito sa kanilang kakaibang coat patern na black spots.  

 Isang musical organ na tinatawag ding Sea Organ sa Zadar, Croatia ang pinapatugtog ng tubig ng dagat Binubuo ito ng 35 organ pipes na tumutunog kapag binabayo ng mga alon ng dagat.

(Hango sa Internations, Travelsphere, Rustic pathways at CroatiaWeek at mga news outlet ang ilan sa mga impormasyon sa taas- RMB)

* * * * * * * * 

Email – rmb2012x@gmail.com 

OFW

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with