^

PSN Opinyon

EDITORYAL - PUV Modernization hamon kay Dizon

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - PUV Modernization hamon kay Dizon

MATAGAL nang nakabinbin ang PUV Modernization Program (PUVMP) at dapat na itong ipatupad. Pitong beses na itong naipagpapaliban dahil sa pagtutol ng ilang transport groups. Noong 2016 pa ito pinanukala at hanggang ngayon wala pa ring nangyayari dahil sa mga pagsalungat at pagtutol. Ang aksiyon ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon para umusad ang PUVMP ang inaasahan. Kung patuloy na ipagpapaliban ang programa, wala itong kahahantungan. Sayang lang mga sinimulan para ma­isakatuparan ang PUVMP.

Sa ilalim ng PUVMP, dapat mag-consolidate at maging miyembro ng mga kooperatiba ang mga jeepney driver at operator. Ayon sa DOTr, ang mga jeepney operator na hindi nakapag-consolidate ay maaaring lumipat sa consolidated cooperatives. Ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), umabot na sa 86 percent ang nag-consolidate at nakapag-comply para sa modernisasyon ng mga pampublikong sasakyan.

Subalit mariing pinabulaanan ng transport group na Manibela ang sinabi ng LTFRB na 86 percent na ang nag-consolidate. Ayon kay Manibela President Mar Val­buena, sinungaling ang LTFRB na gayun kalaki ang nag-consolidate. Dahil daw sinabing iyon, naging mitsa kung bakit hindi na na-renew ang provisional authority at hindi na nakarehistro ang kanilang mga sasakyan. Hiniling ni Valbuena kay Dizon na sibakin ang pinuno ng LTFRB dahil sa mga kasinungalingan. Hinamon ni Valbuena si Dizon na suriing mabuti ang kalagayan ng maliliit na driver kung saan may pangako ang pamahalaan na aayusin ang sistema ng transportasyon at kalagayan ng mga drayber ng pampasaherong sasak­yan. Kasabay nito, nagkasa ng tatlong araw na tigil-pa­sada ang grupo ni Valbuena na magsisimula sa Marso 24 na tatagal hanggang Marso 26.

Nang maupo si Dizon na DOTr Secretary noong Peb­rero, sinabi niya na walang makapipigil sa PUVMP. Pero sinabi rin naman niya na pag-aaralan din itong mabuti at pakikinggan daw ang kabilang side. Ayon pa kay Dizon, wala raw ibang paraan kundi yakapin ang modernisasyon para umusad at magkaroon ng improvement ang pampublikong transportasyon.

Malawak ang pananaw ni Dizon sa PUVMP at nani­niwala kami na maipatutupad na ito sa ilalim ng kan­yang pamumuno. Makukumbinsi niya ang mga suma­salungat na yakapin ang modernisasyon. Panahon na para mawalis sa kalsada ang mga sasakyang nagdu­dulot ng air pollution. Alisin na ang mga sasakyang lumalason sa hangin at palitan ng mga makabagong sasakyan. Makakaya ni Dizon ang hamon para sa mo­dernisasyon.

PUV MODERNIZATION PROGRAM

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with
-->
ad