Nagbunga ang pagtitiyaga
Major General na si Nicolas Torre III makaraang i-promote ni President Marcos Jr. kamakailan. Mula nang matalagang CIDG chief si Torre marami na siyang nagawang accomplishment.
Nagsimulang makilala si Torre nang pasukin niya at kanyang mga tauhan ang compound ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) sa Davao City at arestuhin ang founder nito na si Pastor Apollo Quiboloy noong Setyembre 8, 2024.
Maraming kaso ang nakasampa kay Quiboloy kabilang na ang qualified human trafficking at child abuse. Bukod kay Quiboloy, kasamang naaresto sina Ingrid Canada, Cresente Canada, Jacklyn Roy at Sylvia Cemanes. Kasalukuyan silang nakakulong sa Pasig City jail.
Bago naaresto nina Torre sina Quiboloy ay nagkaroon pa ng kaguluhan sapagkat hinarang sila nang maraming miyembro ng KOJC. Halos dalawang linggo sa compound sina Torre.
Pero dahil matiyaga si Torre, nagbunga ang kanyang pagtitiyaga sapagkat lumabas sa lungga sina Quiboloy. Sinundo si Quiboloy ni dating DILG Sec. Benhur Abalos at PNP chief Rommel Marbil.
Makaraan ang makapigil-hiningang pag-aresto kay Quiboloy ay itinalaga siya ni PBBM na CIDG chief. Hanggang sa magkasunud-sunod na ang mga malalaking accomplishment ni Torre.
Nadakip niya ang bigtime scammer na nagtago sa Malaysia. Kasunod ay ang pag-aresto niya sa mga high value persons na nag-iingat ng mga baril sa Mindanao.
Nang umarangkada ang kampanyahan noong nakaraang linggo para sa May 2025 elections, nadakma niya ang tatlong IT experts na nanghihingi ng P90 milyon sa dalawang kandidato sa Enrile, Cagayan para manalo ang mga ito sa election.
Nalambat din ni Torre ang isang tumatakbong governor sa Guimaras na nagpapakilalang pinsan umano ni First Lady Lisa Araneta Marcos.
Nakilala ang suspect na si Maggie Cacho. Nanghihingi umano ito ng pera sa mga negosyante upang makakuha ng lisensiya para makapag-operate ng private motor vehicle inspection center.
Nakarating kay PBBM ang ginagawa ng suspect kaya ipinahuli agad kay Torre.
Malayo na ang narating ni Torre at maaring marami pang mararating. Nagbunga na ang pagsisikap at pagtitiyaga niya.
- Latest