Ngayon (Pebrero 11) ang simula ng campaign period para sa mga tatakbong senador at partylist group at sa Marso 28 naman para sa mga tatakbo sa Kongreso, provincial at municipal officials. Tatagal ang campaign period hanggang Mayo 10.
Kasabay sa simula ng campaign period, nagbanta naman ang Commission on Elections (Comelec) na sisimulan na rin nila ang “Oplan Baklas” para sa mga malalaki at illegal campaign materials ng kandidato. Ayon sa Comelec, babaklasin ang mga tarpaulin at campaign banners na wala sa common posters area.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, may inilabas na silang mga panuntunan kung saang lugar dapat magkabit ng campaign materials ang mga kandidato. Sinabi ni Garcia, na maraming kandidato ang lumalabag sa batas kaugnay sa pagkakabit, pagdidikit ng kanilang posters. Marami umanong nagkakabit ng campaign posters sa mga punongkahoy na labis na ipinagbabawal. Hinikayat ni Garcia ang mga kandidato na gumamit ng environmental-friendly campaign materials para maprotektahan ang kalikasan. Mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng non-biodegradable materials gaya ng mga plastic at tarpaulin. Bakit ngayon lang ipinupursigi ng Comelec ang pagbaklas sa mga illegal posters at tarpaulin na nakakabit sa mga punongkahoy, nakasabit sa cable wire at nakadikit sa mga pader at waiting sheds. Matagal nang ginagawa ito ng mga kandidato. Atrasado na ang pagkilos ng Comelec sa mga kandidato sapagkat noon pang nakaraang taon nakabandera ang kanilang mukha at pangalan. Matagal na silang lumalabag sa batas. Hindi nila pinapansin ang mga guidelines na pinatutupad ng Comelec. Dapat sampahan ng kaso ang mga lumalabag na kandidato. Hindi sila dapat patawarin. Pero magawa kaya ito ng Comelec?
Noong Disyembre 2024, hiningi ng Comelec ang tulong ng LGUs upang matanggal ang campaign materials sapagkat lantaran na ang ginagawang paglabag. Inisyu ng Comelec ang Resolution No. 11086 na naglalaman ng mga probisyon kaugnay sa fair election practices. May mga inilabas ding bagong item sa political campaigns. Nakasaad sa resolusyon na bago magsimula ang campaign period, inaatasan na alisin lahat nang ipinagbabawal na uri ng propaganda kabilang ang mga pangalan, imahe, logo, brand, insignias, initials at graphical representations sa mga pampublikong istruktura at lugar. Subalit walang sumusunod.
Sa panawagan ng Comelec na tumulong ang LGUs sa pagbaklas sa campaign election materials, tanging ang Quezon City government ang tumalima at binaklas ang mga nakadikit na election materials sa mga lugar na ipinagbabawal.
Atrasado na ang Oplan Baklas ng Comelec sapagkat marami na ang nakapangampanya. Pero huli man, isagawa pa rin ng Comelec ang pagbaklas sa illegal campaign materials.