EDITORYAL - Hindi masakit ma-impeach

HINDI masakit para kay Vice President Sara Duterte­ ang ginawang pag-impeach sa kanya ng House of Representatives noong Miyerkules. Sabi ni Sara nang humarap sa media noong Biyernes, mas ma­sakit­ pa raw ang iniwan ng boyfriend o girlfriend kaysa­ na-impeach. Iyon ang unang pagharap niya sa mga mamamahayag mula nang patalsikin ng mga mambabatas.

Lumagda ang 240 mambabatas para sa impeachment ni Sara at 215 sa mga ito ay nagmula sa Min­da­nao kung saan ay balwarte ng kanilang pamilya.

Apat na impeachment complaint ang isinumite sa House of Representatives. Ang tatlong naunang impeachment complaint ay nasa archive ng Kamara. Nang isumite ang ikaapat na impeachment complaint kay House Secretary General Reginald Velasco noong Mi­yerkules, 215 na kongresista ang nakalagda na pina­ngunahan ni Presidential Son at Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos­. Kinabukasan, nadagdagan pa ng 25 ang lumagdang kongresista kaya naging 240 sa kabuuan.

Kabilang sa ground ng impeachment ang ­sabwatan para i-assassinate si President Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez; hindi maipaliwanag na paggastos ng P612.5-M confidential funds; panunuhol at korap­siyon sa Department of Education; extra judicial killings; at betrayal of public trust at large scale corruption.

Sa press briefing, sinabi ni Sara na hindi siya gumawa ng assassination threat sa Presidente. Sila lang daw ang nagsabi ng ganoon. Ganunman, nakahanda raw ang kanyang legal team para sa kanyang depensa. Noong Nobyembre pa raw ng nakaraang taon sila nag­hahanda. Isa rin sa lumutang na magiging abogado ni Sara ay ang kanyang ama na si dating President Rodrigo Duterte.

Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng bansa ay na-impeach ng Kamara ang Vice President. Hindi na bago ang impeachment sa pandinig ng mga Pilipino sapagkat may pinuno na rin ng bansa na na-impeach gaya ni dating President Joseph Estrada. Na-impeach din si Supreme Court Chief Justice Renato Corona at iba pa.

Maraming humikayat sa Senado na aksiyunan na agad ang impeachment complaint kay Sara. Pero dahil break na ang Senado, maaring sa Hunyo 2, 2025 na ito matatalakay. Sabi ni Senate President Chiz Escudero, hindi nila ito mamadaliin. Gusto nilang mabusisi nang maayos ang mga sinampang reklamo sa Vice President.

Ebidensiya ang pagbabatayan ng Senado sa mga isinampang reklamo. Sana maging makatwiran ang mga senador na tatayong huwes. Hindi sana mahaluan ng political biases. Nararapat manaig ang katotohanan.

Show comments