Hindi epektibong diborsiyo (Part 1)

Ang diborsiyo na ibinigay sa mga Pilipino sa ibang bansa ay kinikilala dito sa Pilipinas kung ito ay pinagtibay ng Korte sa nasabing bansa. Ito ay ang batas na ginamit nina Gino at Lina.

Kinasal sila Gino at Lina sa Quezon City. Pagkaraan ng kasal, tumira sila sa California, U.S.A., kung saan nag­trabaho si Gino bilang nurse.

Ang mag-asawa ay nagkaanak ng dalawa, sina Jo-mari at Nina. Nakapagpundar sila ng mga ari-arian sa Pilipinas at sa U.S.

Pagkaraan ng labing tatlong taon na kasal at dahil sa pagkalugi, iniwan na ni Gino ang kanyang pamilya sa U.S. at bumalik sa Pilipinas kung saan tumira na siya at nagnegosyo.

Kahit hiwalay, binisita ni Lina si Gino at si Gino naman ay pabalik-balik din sa U.S. upang bisitahin si Lina at mga anak.

Noong mag balik siya rito, gumawa si Lina ng Special Power of Attorney (SPA) na binibigyan si Gino ng kapang­yarihan upang ipagbili ang kanilang bahay at lupa dito.

Pagkaraan ng dalawang taon, nagkaroon na ng kabit si Gino dito sa Pilipinas na nagngangalang Naty.

Pinakilala ni Naty ang sarili bilang asawa ni Gino at gi­namit ang apelyido nito para pumirma sa isang dokumento na pumapayag si Gino bilang asawa niya, noong ito ay ma-operahan.

Kaya nang sumunod na bisita ni Lina sa Pilipinas tina­nong niya si Gino sa pangangaliwa nila ni Naty at gumawa sila ng sinumpaang salaysay:

(1) Ibinigay ni Gino kay Lina ang mga Karapatan niya sa kanilang ari-arian sa Pilipinas; (2) Na ipagbili ang kani­lang bahay at lupa sa Maynila ng P1.1 milyon na ibabayad at kokolektahin ni Gino; (3) Na ibabalik ni Gino kay Lina ang kalahating halaga na ginamit upang tubusin nila nasabing bahay at lupa sa halagang P750,000. (Itutuloy)

Show comments