Afghan refugees tinanggap na ng Pinas

Marami ang tutol sa pagtanggap ng Pilipinas sa 300 Afghan refugees para pansamantalang lingapin habang pinuproseso­ ang kanilang dokumento patungo sa United States. Baka raw may makalusot na mga teroristang manliligalig sa bansa.

Kalahati sa bilang na ito ng mga refugees na tumatakas­ sa malaon nang digmaan sa kanilang bansa ay menor-de-edad. Noong isang araw, dumating na sa bansa ang mga nabanggit na refugees lulan ng isang chartered flight at dito ipopro­seso ang kanilang special immigrant visas patungo sa U.S.

Para sa akin, mabuting humanitarian action ito sa panig ng Pilipinas. Malay natin, baka dumating ang pagkakataon na tayo naman ang mangailangan ng kahalintulad na tulong. Harinawang hindi.

Pero kilala ng international community ang Pilipinas sa paglingap sa mga refugees. Ginawa na iyan noong panahon­ ni Manuel Quezon sa mga Hudyong nagsitakas sa Ger­many dahil sila’y tinutugis upang patayin ni Hitler.

Ganyan din ang ginawa ni President Elpidio Quirino sa Russians na tinakasan ang komunistang rehimen sa kani­lang bansang sinakop ng mga Bolshevik.

Sa panahon ni dating President Marcos Sr., nagtayo pa ng refugee processing center sa Bataan para sa mga Viet­namese na tinatakasan ang pananalasa ng mga komunistang Vietcong sa kanilang bansa.

Tutal, sasagutin lahat ng U.S. government ang gastos­ sa pagtangkilik sa mga naturang refugees. Sa ilalim ng ka­sunduan ng Washington at Manila na nilagdaan noong 2024, kahit isang kusing ay hindi gagastos ang Pilipinas.

Lahat ng gawang mabuti ay may sukling pagpapala ng Diyos kaya huwag nating ipagkait ang anumang tulong na puwede nating ibigay sa mga nangangailangan.

Show comments