Isang mayor sa Italy ang ginawang “illegal” sa kanyang bayan ang pagkakaroon ng sakit!
Nagbunsod ng atensiyon ang isang kakaibang kautusan mula kay Mayor Antonio Torchia ng Belcastro, isang maliit na bayan sa rehiyon ng Calabria, Italy.
Sa kanyang proklamasyon, “ipinagbabawal” sa mga residente ang magkasakit o magkaroon ng malubhang kondisyon na mangangailangan ng emergency medical assistance.
Bagamat tila nakatatawa, ipinaliwanag ni Torchia na ang hakbang na ito ay isang paraan upang ipakita ang kakulangan sa serbisyong pangkalusugan sa kanilang lugar.
Ang Belcastro, na may populasyong halos 1,200 katao kung saan kalahati rito ay nasa edad 65 pataas, ay walang maayos na emergency services.
Ang pinakamalapit na ospital ay mahigit 45 kilometers ang layo, at maaabot lamang sa isang makipot na kalsada.
Bukod pa rito, ang doktor na nakatalaga sa lugar ay hindi available tuwing gabi, weekend, o holidays.
Sa nakalipas na 15 taon, ang Calabria, isa sa pinakamahirap na rehiyon ng Italy, ay nasa ilalim ng pamamahala ng central government upang maresolba ang mga utang at maibalik ang maayos na health services.
Gayunman, hindi pa rin natutugunan ang kakulangan ng mga doktor, mahabang pila sa mga ospital, at pagsasara ng 18 health facilities mula 2009.
Noong 2022, nagpadala ang Cuba ng halos 500 doktor upang pansamantalang tugunan ang pangangailangan sa Calabria. Bagamat nakatulong ito, nananatili ang pangmatagalang problema sa sistema ng kalusugan.
Ayon kay Torchia, hindi sapat ang kanyang mga sulat at apela sa mga awtoridad upang maresolba ang isyu. Ang kanyang “humorous provocation,” aniya, ay mas epektibo sa paghimok ng diskusyon ukol sa kanilang pangangailangan.
Pinuri naman ng mga residente ang hakbang ng mayor, na kanilang itinuturing na isang matapang na pamamaraan upang maipakita ang seryosong problema sa kanilang lugar.
Naniniwala silang maaaring magbunga ito ng tunay na solusyon mula sa mga kinauukulan.