Sinalakay ng Criminal Investigation and Detection Group ang isang warehouse ng tindahan sa Taguig City at nakumpiska ang sangkaterbang white onions at karne. Inaresto ng mga tauhan ni CIDG director Brig. Gen. Nicolas Torre III sina Mary Ann Esquivel at Israel Reguyal na walang maipakitang kaukulang permits para sa pag-import ng mga produkto.
Mukhang malakas ang impluwensiya nitong mga naarestong suspects dahil mula ikinasa ang CIDG operation noong December 23 hanggang kahapon ay may tumatawag kay Torre para humingi ng pabor na luwagan lang sila. Magalang na tinanggihan ni Torre ang mga pakiusap dahil trabaho ito ng Department of Agriculture at Bureau of Plant Industry.
Hindi lang ‘yan, ang operation ay kasama sa direktiba ni PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil na tulungan ang mga ahensiya ng gobyerno para ipatupad ang bagong pirma na batas ni President Bongbong Marcos na R.A. No. 12022 na ang pangunahing layunin ay tuldukan na ang smuggling at hoarding ng bigas at iba pang pagkain. Dipugaaa! Hehehe! Kailangan pa bang i-memorize ‘yan?
Sinabi ni Torre na nagkita-kita ang mga tauhan niya mula sa CIDG National Capital Region, DAR representative Emmanuel Sapin at taga-BPI sa Lucky Farmers Fruits and Grocery Store na matatagpuan sa Veteran’s Road, Bgy. Western Bicutan, Taguig City dahil sa report na nagtitinda sila ng smuggled products.
Ayon kay Torre, nagsagawa muna ang tropa ng buy-bust operations at nang makumpirma ang report nila ay pinasok na nila ito.
“Inutusan kami ng taga-DAR at BPI na magsagawa ng inspections sa kanilang bodega kung saan nagkalat ang mga white onions at karne,” sabi ni Torre. Dahil sa karneng ebidensiya, pumasok na sa kaso ang Veterinary Office ng Taguig, ang dagdag pa ni Torre. Tsk tsk tsk!
Swak sa banga tiyak ang dalawang suspect’s dahil ang mga raiders ay armado ng body worn cameras. Ano pa nga ba? Hehehe! Ambot sa kanding nga may bangs!
Upon verification, natuklasan ng taga-BPI na ang mga suspects ay hindi awtorisadong mamahagi ng nasabing mga agricultural products, lalo na ang pagbenta ng mga ito. Walang maipakitang dokumento ang mga suspects galing sa kung anumang ahensiya ng gobyerno para suporrtahan ang kanilang negosyo.
Ayon kay Torre, hindi naman nasabi ng mga suspects kung sino ang supplier nila ng nakumpiskang mga produkto at kung paano ito nadeliber sa kanilang tindahan. Hehehe! Ang sakit sa bangs nito.
Sina Esquivel at Israel, kasama ang P1.5 milyon na nakumpiskang ebidensiya ay dinala sa CIDG NCR para sa documentation at proper disposition. Ayon kay Torre, kakasuhan ang mga suspects ng paglabag ng “the Consumer’s Act of the Philippines” na kilala rin bilang R.A. No. 7394.
Sa kulungan nagselebra ng Christmas sina Esquivel at Raguyal. Sanamagan!
“The CIDG is steadfast in its resolve to stop the illicit activity that undermines our economy,” ani Torre.
Abangan!