Mag-asawa sa austria, nahaharap sa kasong fraud matapos magpakasal at magdiborsiyo ng 12 beses!
Isang hindi pinangalanang mag-asawa sa Austria ang kasalukuyang iniimbestigahan matapos ang kanilang pananamantala sa pension system matapos mabisto na sa loob ng 43 years, 12 beses silang nagpakasal at nagdiborsiyo, ngunit sa katotohanan, hindi kailanman sila nagkahiwalay.
Nagsimula ang kuwento noong 1981 nang mamatay ang unang asawa ng babae, na naging dahilan upang makatanggap siya ng widow’s pension mula sa gobyerno.
Ngunit noong 1982, pinakasalan niya ang kanyang pangalawang asawa, na mas bata ng ilang taon sa kanya. Ang kasal na ito ay nagpahinto sa kanyang widow’s pension ngunit nakatanggap siya ng severance payment na €27,000 bilang huling kabayaran sa kanyang pagiging biyuda.
Pagkatapos ng anim na taon, nagdiborsyo ang mag-asawa noong 1988, na naging dahilan para i-reinstate ang widow’s pension ng babae.
Simula noon, isang pattern ang lumitaw: magpapakasal ang mag-asawa, tatanggap ng severance payment ang babae, maghihiwalay sa papel, at pagkatapos ay muling magpapakasal.
Sa loob ng 43 years, 12 beses nilang ginawa ito, na tumatagal ng tatlong taon kada kasal. Sa kabuuan, nakatanggap ang babae ng €326,000 (19.6 million pesos) mula sa pension system ng Austria.
Bagamat magulo ang kanilang marriage life sa papel, sinabi ng mga kapitbahay at kamag-anak na ang relasyon ng mag-asawa ay tila “larawan ng isang masayang relasyon.” Hindi nila alam na ang paulit-ulit na kasal at diborsiyo ng mga ito ay bahagi ng scam upang abusuhin ang pension system ng Austria.
Natapos ang panloloko ng mag-asawa noong 2022 nang tumanggi ang Pension Insurance Institute na muling i-reinstate ang widow’s pension ng babae matapos ang kanilang ika-12 na diborsiyo. Dahil dito, nagbukas ang Styrian State Police Directorate ng isang imbestigasyon noong nakaraang linggo para sa kasong fraud.
Sa kasalukuyan, nananatiling kasal ang mag-asawa dahil hindi kinilala ng mga awtoridad ang kanilang ika-12 na diborsyo. Gayunpaman, nahaharap sila sa posibleng paglilitis at mabigat na parusa dahil sa kanilang ginawang panloloko.
- Latest