Ilang araw lang matapos maglabas ni Vice President Sara Duterte ng video sa internet kung saan pinagmumura si President Bongbong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez, ngayon sinasabi niya na “maliciously taken out of logical context” daw siya.
Ewan ko, pero kapag minura ang isang tao, masasabi ba na out of context iyon para huwag magalit? Sisisihin ba lahat nang makarinig na malisyoso ang mga isip nila? Sinabi rin na hindi niya binantaan ang Presidente dahil wala naman siyang dahilan para gawin iyon maliban lang kung sakaling siya ang unang papatayin. E hindi ba banta rin iyon? Sinabi rin niya na “no joke.” Eh di totoo.
Dahil tila sobra na nga ang pinagsasabi ni Duterte, nagsalita na si Marcos. Ang kapuna-puna ay ang kanyang pagsabi na “papalagan niya” ang banta sa kanyang buhay at buhay ng kanyang pamilya. Dapat lang. Kahit na sino naman na babantaan ng ganyan ay dapat pumalag, mas lalo na Presidente ng bansa.
Naging malakas din ang reaksyon ni Duterte sa pahayag ng National Security Council (NSC) na lahat ng banta sa buhay ng Presidente ay “serious and a matter of national security.” Gusto raw makita ang lahat ng dokumento ng isinagawang meeting ng NSC at bakit hindi siya inimbita kung miyembro raw siya. Bakit kaya? Hindi kaya dahil siya nga ang nagbabanta?
Ngayon, pinag-aaralan na ng DOJ ang lahat ng legal at kriminal na pananagutan ni Duterte dahil sa kanyang pagbabanta. Pinabulaanan din ng DOJ ang pangangatwiran ni Sen. Bato dela Rosa na may kondisyon naman ang banta.
Ayon sa DOJ ang banta ay banta. Walang bantang may kondisyon. Hindi rin ito ang unang beses na nagpahayag si Duterte na nais saktan ang Presidente. Sinabi niya noon na nananaginip siyang gising na nais pugutan ng ulo si Marcos. Huwag ding kalimutan ang pahayag niya na kung hindi siya titigilan ay huhukayin niya ang bangkay ni Ferdinand Marcos Sr. at itatapon sa West Philippine Sea.
Malinaw ang kanyang galit sa Presidente at sa pamilya nito. Ano kaya ang masasabi pa niya sa mga darating na araw? Hindi ako magtataka kung unti-unting kinakalap ng pamahalaan ang lahat na ito. Pero kung may kilos silang ligal laban sa Vice President ay hindi ko pa alam. Ang malinaw din ngayon ay nagsalita na si Marcos. Hindi biro ang banta sa buhay. Kaya nga mga bomb jokes ay laging tinuturing na seryoso ng mga nasa airport. Mahirap bawiin ang salitang binitawan.