VARICOSE veins ang tawag sa malalaking ugat sa paa at kamay. Tinatayang 17 percent ng mga tao ay mayroon nito. Namamana ito sa mga magulang.
Narito ang mga solusyon sa varicose veins at paano maiiwasan:
1. Itaas ang kamay o paa – Ang sanhi ng varicose veins ay ang pagluwag ng mga ugat. Kapag laging nakababa ang paa, maiipon dito ang dugo at mamamaga ang ugat. Kaya umupo at ipatong ang paa sa isang silya o kutson. Ipatong din ang kamay sa isang unan at itaas ng ilang ulit sa isang araw.
2. Magsuot ng support stockings o masikip na medyas – Mabibili ito sa mga department store o sa medikal na tindahan. Ayon kay Dr. Katty Go, ang support stockings o compression stockings ang pinakamabisang lunas sa varicose veins. Gamitin ito palagi.
3. Huwag tumayo ng ilang oras – Kung ang trabaho ay security guard, pulis o saleslady, puwedeng magka-varicose veins. Galaw-galawin ang mga paa habang nakatayo. Parang nag-e-exercise para umakyat ang dugo mula sa paa pabalik sa puso. Kung puwedeng umupo ay mas mainam sana. Sundin ang naunang payo na mag-stockings o mag-medyas nang masikip!
4. Itaas ang paa habang natutulog – Ipatong ang paa sa isang unan para mabawasan ang pag-iipon ng dugo rito.
5. Huwag magsuot ng masikip na pantalon – Kapag masikip ang pants o maong, puwedeng maipit ang ugat sa paa. Siguraduhing katamtaman lang ang sikip para makadaloy ang dugo sa mga ugat.
6. Kumain ng mga gulay – Mataas sa fiber ang patola, pechay, okra, at kangkong na makatutulong para hindi magka-varicose veins.
7.Kumain ng prutas – Ang prutas tulad ng papaya at pinya ay may fiber din. Sa tulong nito, magiging regular ang pagdumi. Kapag malambot ang dumi, makaiiwas kayo sa varicose veins at sa almoranas din.