Offshore wind farm sa Ilocos Norte

Kaabang-abang ang planong pagtatayo ng kauna-unahang offshore wind farm sa Pilipinas—ang North Luzon Offshore Wind Power Project (NLOWPP) ng pribadong PetroGreen Energy Corporation (PGEC) kasosyo ang Copenhagen Energy (CE) sa mga bayan ng Burgos, Bangui, at Pagudpud, Ilocos Norte.

Nasa 100 lumulutang na offshore wind turbine generators na makakapagluwal ng 15-18 megawatts bawat isa ang mabubuo at gagana sa 2030. Maghahatid ang 100 turbina ng 1,500-2,000 megawatts ng kuryente sa Luzon grid.

Lalong ilalagay ng North Luzon Offshore Wind Power Project sa pedestal ang Ilocos Norte bilang “Renewable Energy Capital of Southeast Asia”. Noong 2004, itinayo ang kauna-unahang wind farm sa Southeast Asia sa Bangui na itinayo ng NorthWind Power Development Corporation na pag-aari ni Atty. Ferdinand Dumlao at kasunod niyon ay ang marami pang wind farms sa probinsya.

Ayon kay Ilocos Norte Governor Matthew Marcos Manotoc, bukod sa pagpapatatag ng renewable energy portfolio ng probinsya, bababa pa lalo ang bayarin sa kuryente ng mga residente. Maghahatid din ito ng karagdagang trabaho sa mamamayan doon.

Sinabi ni La Paz, Abra Mayor JB Bernos, tagapangulo ng Solid North party-list at tagapangulo rin ng League of Mayors in the Philippines (LMP), lalong dadayuhin ng mga turista ang Ilocos Norte at buong Northern Luzon dahil dito. Ayon pa kay Bernos, tiyak na magiging mitsa rin ito nang masiglang kalakal at investment opportunities sa Regions 1, 2 at CAR.

Ang Solid North party-list ang nangungunang tagapagtaguyod ng malusog na turismo at progreso sa Hilagang Luzon. Nakikita ng Solid North party-list ang napaka­laking potential ng pinakabagong renewal energy project sa Northern Luzon upang lalo pang mapaunlad ang mga probinsiyang makikinabang dito.

* * *

Para sa anumang comment, i-email sa: art.dumlao@gmail.com

Show comments