12th Qcinema rumatsada na!

Mahilig ba kayong manood ng sine?

Ginagamit n’yo ba itong libangan, pampalipas oras o di kaya’y bonding moments kasama ang pamilya, kaibigan at iba pang mahal sa buhay?

Kung oo ang inyong sagot sa lahat ng ito, akmang-akma sa inyo ang handog ng Quezon City government.

Binuksan natin kamakailan ang ika-12 edisyon ng QCinema International Film Festival, kung saan tampok ang 55 full-length films, at 22 short films.

Mapapanood ang mga ito sa Gateway Mall, Trinoma, Powerplant Mall, at Shangri-La Plaza mula Nobyembre 8 hanggang 17.

Bitbit ang temang “The Gaze”, layon ng QCinema na maging daan para malayang ipahayag ng mga filmmaker ang kanilang mga ideya.

Bukod pa riyan, maipapakita at mapapaunawa sa manonood ang mensaheng nais ipahatid ng mga pelikulang kalahok sa festival.

Ang festival ay bahagi ng ating mga pagkilos tungo sa ating hangarin na maideklarang Creative City of Film ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO).

Naniniwala ang inyong lokal na pamahalaan na ang UNESCO Creative City of Film ay hindi lang pagkilala sa atin mga nakamit sa mga nakaraang panahon, kundi magsisilbi itong daan para mapaganda at mapatibay ang ating estado sa larangan ng global film community.

Ang City of Film ng UNESCO ay bahagi ng mas malawak na Creative Cities Network, na layong isulong ang kooperasyon sa pagitan ng mga siyudad na nakilala sa kanilang mahalikhaing mga pelikula.

Kapag ito’y ating naabot, lalong titibay ang imahe ng siyudad na kilala bilang “City of Stars” at makatutulong sa lalo pang paghubog ng industriya ng pelikula sa bansa.

Sa ngayon, nagsisilbi ang QC bilang sentro ng filmmaking sa bansa, kung saan makikita sa ating lungsod ang pinakama­laking bilang ng production companies at screen enterprises.

Nananawagan ako sa QCitizens na samahan tayo sa hangaring ito at suportahan ang mga pelikulang kalahok sa QCinema.

Show comments