Bawasan ang pagdududa, bilangin ang voter receipts
Matigas ang ulo ng Comelec. Ayaw sundin ang payo ng mga eksperto na gawing hybrid ang sistemang halalan.
Ibig-sabihin ng hybrid ay pinagsamang manual at automated. Mano-mano ang pagboto at pagbilang sa presinto, pero electronic ang pag-transmit at pag-canvass ng resulta.
Pinatitigasan ng Comelec ang pagbili ng P18 bilyon sa 77,000 makina ng Miru systems ng South Korea. Ito’y bagamat linantad sa Kongreso ang umano’y pagtanggap ng P1 bilyong suhol ng election commissioners.
Tanggapin sana ng Comelec ang matagal nang mungkahi ng election experts. Ito’y ang pagbilang man lang ng resibo ng botante, o VVPAT (voter-verified paper audit trail).
Niluluwa ng vote counting machine ang resibo matapos ipasok doon ng botante ang balota. Nirerepaso ng botante kung tama ang pagbasa ng makita sa mga binoto niya.
Sana maglahad ang Comelec ng bukod na ballot box para sa mga resibo. Pagsara ng presinto, bubuksan ang kahon at bibilangin ang mga botong pambansa at panglokal.
Kakain ito ng dalawa o tatlong oras. Nakapaskel sa blackboard ang lahat ng kandidato. Mamarkahan at susumahin lahat ng boto ng bawat isa.
Ita-transmit ang resulta sa lokal at pambansang Comelec servers. Susumahin ng computers lahat ng boto. Tapos, ipapaskel sa Comelec website ang pinal na bilang at resulta sa bawat presinto.
Kanya-kanya magtitiyak ang mga botante na tumpak ang pinaskel na resulta sa presinto. Mababawasan ang pagdududa sa bilangan.
***
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest