PAGKATAPOS lumabas ang akusasyon na sangkot umano si Royina Garma, dating police colonel at dating general manager ng Philippine Charity Sweepstakes Offive (PCSO) sa pagkapatay kay PCSO board secretary Wesley Barayuga noong Hulyo 2020, tila kumakanta na rin siya.
Sa patuloy na pagdinig sa House quad committee, isinagawa niya ang kanyang affidavit na nagdawit kay dating President Rodrigo Duterte sa extrajudicial killings. Ayon kay Garma may sistema ng pabuya ang PNP na inangkop umano sa “Davao model” kung saan may katumbas na kabayaran ang bawat mapatay sa drug war, depende kung gaano kaimportante ang mapatay na suspek. Ang halaga ay mula P20,000 hanggang P1-milyon.
Idinawit na rin ni Garma si dating PNP chief at ngayo’y senador Ronald “Bato” dela Rosa at Sen. Bong Go sa nasabing drug war ni Duterte. Si Dela Rosa at Go ang pinakamalapit kay Duterte noong panahong iyon, hanggang ngayon. Sa ilalim ng pamumuno ni Dela Rosa naging madugo ang mga operasyon laban sa iligal na droga.
Sikat na sikat ang salitang “nanlaban” para bigyan ng katwiran ang mga pulis sa pagpatay sa mga suspek. Sinegundo rin ni Police Lt. Col. Jovie Espenido, ang namuno sa operasyon laban sa pamilya Parojinog noong 2017 kung saan 16 ang napatay na may sistema nga ng pabuya sa PNP. Alam daw ng lahat ito sa PNP.
Itinanggi nila Dela Rosa at Go ang mga paratang sa kanila. Itinanggi rin ni Garma ang kanyang partisipasyon sa pagpatay kay Barayuga. Lahat sila inosente raw. Pero sa totoo lang, matagal nang usapin na kaya naging madugo at malawak ang kampanya sa iligal na droga ay dahil may pabuya nga sa mga pulis na makakapatay ng suspek.
Naaalala ko ang kaso nina Kian delos Santos, Carl Arnaiz at Reynaldo de Guzman. Pinatay sila ng mga pulis sa magkahiwalay na insidene dahil sangkot umano sa droga at nanlaban. Pero matapos ang imbestigasyon, nahatulan ang apat na pulis ng habambuhay na kulong dahil sa kanilang pagpatay sa tatlong inosenteng biktima. Magbigay kaya sila ng testimonya na may pabuya nga sa PNP noong admnistrasyon ni Duterte? May mawawala pa ba sa kanila kung ganun nga ang gawin?
Binanggit ko na umiikot ang mundo. Wala na sa kapangyarihan si Duterte. Ngayon ay nagsasalita na ang kanyang mga kilalang tauhan. Kung may katotohanan nga ang kanilang mga pahayag, malalaman lang kapag may mga kasong isasampa.
Sa ngayon pawang testimonya sa quad committee lang ang nagaganap. May mga humarap pa kaya para segunduhan ang lahat ng kanilang sinasabi? Kung meron man, ito na ang kanilang pagkakataon.